Nasabat ng Bureau of Customs (BOC)-Port of Clark ang 4.14 kilo ng hinihinalang ketamine na nagkakahalaga ng ₱20.7 milyon mula sa shipment na galing Amsterdam, Netherlands at nakalaan sa Valenzuela City.
Idineklarang “Compact Ceramic Fan” ang kargamento ngunit na-flag matapos makitaan ng kahina-hinalang imahe sa X-ray inspection.
Sa physical examination, natuklasan ang pitong transparent plastic bag na naglalaman ng puting mala-kristal na substansiya.
Nagpakita ito ng “Special K” reading sa paunang spectrometer test, ngunit ipinasa na sa PDEA ang mga sample para sa laboratory analysis at kumpirmasyon.
Isinagawa ang operasyon sa koordinasyon ng BOC, PDEA at Clark Inter-Agency Task Force Against Illegal Drugs, kasama ang iba pang enforcement units.
Pinuri ni District Collector Jairus S. Reyes ang mga tauhan ng Customs, habang tiniyak ng BOC ang pagpapaigting ng border protection laban sa ilegal na droga.(Danilo Gravador)

