INATASAN ni National Capital Region Police Office (NCRPO) OIC Police Brigadier General Christopher Abrahano ang lahat ng police district at police station sa Metro Manila na paigtingin ang pagpapatrolya at pakikipag-ugnayan sa komunidad laban sa pagnanakaw ng mga kable at mahahalagang imprastraktura ng komunikasyon at kuryente.

Nagsasagawa ng patrol operation ang mga pulis sa Barangay San Antonio, Makati City ng araw ng Huwebes ng madaling araw (Oktubre 1,2026) at dito nahuli sa akto ang 30-anyos na lalaki na sinasabing nahuling pumuputol ng mga kable.

Sinabi ng NCRPO director Abrahano, ipinapakita ng operasyon sa Makati ang maagap at agarang pagresponde ng mga awtoridad upang maprotektahan ang mga imprastrakturang mahalaga sa mga pangunahing serbisyo.

“What happened in Makati should serve as a model for the entire Metro Manila. We will not wait for cable theft to disrupt communications, electricity or other essential services before we act. I am directing all our police units to be proactive, visible and responsive in protecting these critical infrastructure assets,” ani PBGen. Abrahano

Binigyang-diin ng heneral, na higit pa sa pagkawala ng ari-arian ang epekto ng pagnanakaw ng mga kable, dahil maaaring maantala o maputol ang mahahalagang serbisyo na nakaaapekto sa mga residente, negosyo at iba pang establisimiyento.

“One act of cable theft can affect an entire community. It can disrupt communications, interrupt services, cause inconvenience to residents and businesses, and potentially create safety risks. That is why we are treating these incidents seriously and will work to prevent them before they cause wider disruption,” ani PBGen. Abrahano.

Ipinag-utos din ng NCRPO chief ang pagpapaigting ng foot at mobile patrol sa mga lugar na madaling target ng pagnanakaw ng mga kable tuwing gabi at madaming araw.

Palalakasin din ng mga police unit ang koordinasyon sa mga opisyal ng barangay, security group, utility company at telecommunications firm.

Agad ireport sa pulisya ang sinumang makikitang may dalang mga kagamitang maaaring gamitin sa pagputol ng kable at mga linya ng kuryente at komunikasyon.

Ang nahuling suspek ay nahaharap sa mga kasong paglabag sa Republic Act No. 7832, o ang Anti-Electricity and Electric Transmission Lines/Materials Pilferage Act of 1994, at Article 308 ng Revised Penal Code hinggil sa pagnanakaw.(Gina Garcia)

Share.
Exit mobile version