Muling umingay sa social media ang mga kuwento tungkol sa umano’y “military-like” boot camp ng Ateneo Blue Eagles sa ilalim ni longtime coach Tab Baldwin.
Ito ay matapos ang pagpanaw ng dalawang manlalaro na sina Divine Adili, 21, at Rene Clert Baterbonia, 19, sa umano’y team-building activity sa Dipaculao, Aurora.
Nagbalik sa atensyon ng publiko ang isang lumang podcast interview kay dating Blue Eagles player Mike Nieto, kung saan ikinuwento niya ang isang linggong boot camp na umano’y idinisenyo upang subukin ang pisikal at mental na tibay ng mga manlalaro.
“Dadalhin po kami sa isang resort na tago, tapos ‘yun po, gigisingin po kami para po kami magiging sundalo for one week,” kuwento ni Nieto, at kabilang aniya sa mga gawain ang pag-eehersisyo sa buhanginan at swimming drills sa dagat.
Ikinuwento rin niya na may mga kasamahan silang hindi marunong lumangoy kaya kinakailangang magtulungan ang buong koponan sa bawat pagsubok.
“Bigla pong may alarm ng 3:00 A.M., tapos po magla-lunges kami sa buhangin tapos lalangoy din po kami. Tapos siyempre iba niyo pong kasama hindi naman po marunong lumangoy,” aniya.
Binanggit niya ang isang insidente kung saan kinailangang sagipin ni Baldwin ang dating player na si Gboy Babilonia sa isang water exercise dahil hindi ito marunong lumangoy.
“So hindi niyo po pwedeng iwan. Hanggang sa may isang time po, si Gboy Babilonia po, meron po kasi dapat tatakbo sa buhangin tapos magsi-swimming ikot. Hindi po marunong lumangoy ‘yung beterano po namin eh si coach na po ‘yung sumalba sa kanya,” dagdag pa ni Nieto.
Samantala, lumutang din ang interview kay dating Ateneo Blue Eagles player SJ Belangel, kung saan inilarawan niya ang pinagdaanang boot camp na “deadly training”.
“Baler is a beach pero parang ayaw naming pumunta do’n,” kuwento ni Belangel.
“It’s a deadly training for one week. So Coach Tab is not your friend during that time, during that duration for 4 days… It’s a deadly training, it’s super deadly,” dagdag pa niya.
Kuwento pa ni Belangel, “Tanong niyo sa kanila if gusto nilang pumunta sa Baler, ‘yung mga players sa Ateneo, they will say no.”
Matatandaan na batay sa paunang imbestigasyon ng Police Regional Office 3, lumalangoy sina Baterbonia at Adili nang matangay umano ng malakas na agos patungo sa mas malalim na bahagi ng dagat. Dinala pa sila sa ospital ngunit kapwa idineklarang dead on arrival.
Trending
- Alas winalis ng South Korea sa AVC Cup
- ‘Military-like’ training ni Baldwin muling lumutang sa pagkalunod nina Baterbonia, Adili
- Carla, ‘happy’ sa honeymoon
- BINI Aiah, nagpaliwanag sa pic nila ni Kyle sa Cebu
- Bela, lalayas na sa serye?
- Jodi, kukuning bridesmaid ng ex-husband
- Rafael Dumlao III lipat New Bilibid Prison
- Police corporal inireklamo sa P50K kotong kapalit ng PNP slot
