INIHAYAG ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na magpapatuloy ang walang humpay na kampanya laban sa loose firearms matapos makakumpiska ng 86 baril at mahuli ang 83 indibidwal sa 81 operasyon mula Oktubre 15 hanggang 21 sa buong Metro Manila.
Sinabi ni NCRPO Officer-in-Charge P/Brig. Gen. Christopher Abrahano, layon ng operasyon na mapigilan ang krimen may kinalaman sa baril at maalis sa lansangan ang mga nakamamatay na armas.
Kasunod ito ng engkwentro noong Oktubre 22 sa Western Bicutan, Taguig, kung saan dalawang armadong suspek ang nasawi sa Oplan Sita.
Isasailalim sa ballistic exam ang mga narekober na baril.
Inatasan ni Abrahano ang lahat ng district director, chief of police at station commander na paigtingin ang Oplan Bakal at Oplan Sita at palakasin ang police visibility sa crime-prone areas.
“Our campaign against illegal firearms will be relentless. Every weapon we lawfully take off the streets is a step toward preventing violence and protecting lives,” ani Abrahano.
Hinikayat ng NCRPO ang publiko na isumbong ang kahina-hinalang may dalang ilegal na baril at pinaalalahanan ang mga lisensyadong may-ari na maging responsable at sumunod sa batas sa pagdadala ng armas. (Gina Garcia)

