Hinikayat ni dating Vice President at incumbent Naga City Mayor Leni Robredo ang publiko na itigil ang paghahanap ng “savior” sa politika.
Binigyang-diin ni Robredo sa isang panayam na walang “monopolyo” pagdating sa kakayahang mamuno.
“Ako, sa tingin ko, dapat alisin ‘yung mentality na may isang savior. Dahil wala namang ganyan. Wala namang monopoly ng kakayahan,” pahayag ng alkalde.
Matatandaan na unang inihayag ni Robredo na hindi siya tatakbong kandidato sa pagkapangulo sa halalan sa 2028.
Iginiit niya na mas angkop umano siya sa lokal na pamahalaan kaysa sa pambansang posisyon, at inaming may limitasyon din siya bilang lider.
Samantala, binanggit din niya ang ilang posibleng lider sa national level tulad nina Risa Hontiveros, Bam Aquino, at Kiko Pangilinan, pati na rin sina Vico Sotto at Joy Belmonte.
“Marami ang puwede. Sa grupo namin, si Risa, ilang beses na nagsabi na okay siya. Si Bam saka si Kiko, puwede naman. Although nagsabi na sila na ayaw nila,” ani Robredo.
“Sa tingin ko si Vico would make a good President, ang ano lang talaga ay edad. Ang isa pang nakikita ko na mayor na would make a good President ay si Joy Belmonte. Maraming puwede,” dagdag pa niya.

Share.
Exit mobile version