Arestado ang 38-anyos na lalaki nang maaktuhan na may hawak ng baril sa isinagawang anti-criminality low-visibility patrol ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) Station 4 sa Barangay San Bartolome, Novaliches, Quezon City nitong Biyernes ng gabi, March 27.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Michael John Villanueva, station commander ng Novaliches Police, nakasalubong ng mga operatiba ang lalaki habang naglalakad at may hawak na baril. Agad siyang nilapitan ng mga operatiba at sinita.
“Balak pa sanang itago. Hindi niya alam ‘yung mga lumapit sa kanya ay mga pulis pala kasi nga naka plain clothes lang sila. Hinanapan siya ng mga dokumento, wala siyang maipakita,” sabi ni PLtCol. Villanueva.
Inaresto ang lalaki at kinumpiska ang caliber .38 revolver na kargado ng bala.
“Pina-ballistic na rin namin ‘yung baril baka sakali kasi nagamit na ito sa ibang krimen. ‘Yung area kasi na ‘yun na pinaghulian niya may mga history na kasi ng robbery hold-up, theft,” ani Villanueva.
Napag-alamang residente ng Cabuyao, Laguna ang suspek na dayo lamang sa Quezon City.
Naging matipid naman ang lalaki nang tanungin kung saan nakuha ang baril.
“May bibisitahin lang po sana na kamag-anak. Wala na po akong masasabi,” sabi ng suspek.
Nakakulong na sa custodial facility ng QCPD Station 4 ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Trending
- Halos 1000 atleta, sasabak sa PH Athletic Championships
- Ama ni Divine Adili sumisigaw ng hustisya
- Nadine Samonte gigil sa ugali ng ilang flight attendants
- Kaye Abad nagpa-pink ribbon tattoo bilang simbolo ng pag-survive niya sa cancer
- Claudia pinapaalis apelyido ni Dennis Padilla
- Testimonya ng 18 ‘Maleta Boys’ hindi tatayo sa korte – Malacañang
- P50K sahod sa mga Pinoy nurse itinulak
- Chavit, nagpiyansa sa cyberlibel
