INARESTO ng pulisya ang 31-anyos na maton nang tutukan ng baril at pagbantaang todasin ang 57-anyos na mister na tinangka niyang kikilan sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.  

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na habang naglalakad pauwi ang biktima sa Barangay Tangos North pasado alas-7 ng gabi nang harangin ng suspek na si alyas “Roger” at pilit umanong kinikikilan ng salapi.

  Nang tumanggi ang biktima, bumunot ng baril ang suspek at tinutukan ang biktima na sa sobrang takot ay nagtatakbong palayo hanggang makahingi ng saklolo sa mga nagpapatrulyang tauhan ni Navotas police chief P/Col. Renante Pinuela.

 Kaagad namang rumesponde ang mga pulis na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek at nakumpisa sa kanya ang kalibre .38 revolver na kargado pa ng isang bala.

 Pinuri naman ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili ang mabilis na pagtugon ng Navotas police sa sumbong ng biktima na nagresulta sa agarang pagkakadakip sa suspek.

  Sinampahan na ng pulisya ang suspek ng kasong Grave Threat at paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act sa Navotas City Prosecutor’s Office.   (Roger Panizal)

Share.
Exit mobile version