NASAWI ang isang lalaki nang maaksidente habang gumagamit ng makinang panggiling ng kape sa loob ng kanyang tahanan sa bayan ng M’lang, Cotabato noong Linggo, Abril 12, 2026.
Kinilala ang biktima na si Elemelec Calawod, isang residente ng nasabing lugar.
Sa paunang imbestigasyon, abala umano ang biktima sa paggiling ng kape nang biglang makain ng makina ang dulo ng telang nakapulupot sa kanyang leeg.
Dahil dito, nahila ang tela at nagdulot ng pagkakasakal sa biktima na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.
Patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang buong detalye ng insidente.
Samantala, muling nagpaalala ang mga opisyal sa publiko na maging maingat sa paggamit ng mga makinarya, lalo na kung may suot na maluluwag na damit o anumang bagay na maaaring makasabit dito.

Share.