Naglabas ng magkakaibang reaksyon ang ilang grupo sa agrikultura matapos ipatupad ng pamahalaan ang P50 kada kilo na price ceiling para sa imported rice.
Ayon kay Raul Montemayor ng Federation of Free Farmers, malamang na hindi gaanong maapektuhan ang mga magsasaka dahil halos tapos na ang harvest season.
Gayunman, sinabi niyang maaaring bumaba ang presyo ng palay kung isasama ng mga magsasaka sa presyo ang dagdag gastos sa gasolina, logistics, at iba pa.
Dagdag pa niya, kung mananatiling mababa ang presyo ng imported rice, maaapektuhan nito ang wholesale market na bumibili rin ng lokal na bigas. Posible itong magdulot ng pagbaba ng presyo ng palay kahit manatili sa P50 kada kilo ang bentahan sa retail market.
Samantala, sinabi ng Samahang Industriya ng Agrikultura na “too early” pa upang malaman ang epekto ng price cap dahil nakapag-ani na ang mga magsasaka.
Ayon kay Jayson Cainglet, ang price cap ay indikasyon umano na bigo ang mataas na antas ng importasyon na mapababa ang presyo para sa mga consumer.
Binanggit din ni Montemayor na mula nang alisin ang import ban noong Enero, nasa P55 hanggang P60 kada kilo pa rin ang bentahan ng imported rice sa merkado.
Batay aniya sa datos ng Bureau of Customs, nasa P27 kada kilo lamang ang halaga ng 5-percent broken imported rice kasama na ang taripa, habang nasa P30.68 kada kilo ang mabangong bigas gaya ng Vietnam’s Dai Thom 8.
Binatikos naman ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang Executive Order No. 118 na nagtatakda ng Php50 kada kilo na price ceiling sa imported rice sa loob ng isang buwan at isa lamang umano iro g band-aid solution na pabor sa rice importer.
Sinabi ng KMP, na ang lokal na bigas ang dapat palakasin at paramihin ang produksyon. Kahit P50 kada kilo, kung imported,  garantisadong kita para sa mga importer at hindi sa mga magsasakang Pilipino.
Ayon pa sa grupo ng mga magsasaka Sa katunayan, hindi pa rin abot-kaya para sa milyun-milyong Pilipino ang Php50 kada kilo imported rice sa gitna ng  tumitinding kagutuman, mababang sahod, at patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Kaugnay nito sinabi ng grupo na nitong Marso, pumalo sa lampas P60 kada kilo ang presyo ng imported rice dahil sa epekto ng mega oil price hikes.
“Sa gitna ng 7.2% inflation nitong Abril 2026 na pinakamataas sa nakaraang tatlong taon at 13.7% rice inflation, malinaw na bigong ang administrasyong Marcos na kontrolin ang presyo ng pagkain at batayang bilihin,” pahayag ng KMP.
Ayon pa sa grupo, lalo lamang inilalantad ng kalagayan sa ngayon ang lalim ng krisis sa pagkain sa bansa. Binanggit ng KMP ang pinakahuling survey kung saan 52% ng mga pamilyang Pilipino o tinatayang 14.5 milyong pamilya ang nagsabing sila ay mahirap noong Marso 2026. Habang nasa 42% o humigit-kumulang 11.7 milyong pamilya naman ang nagsabing sila ay nakararanas ng food poverty o kakulangan sa pagkain.
“Sa ganitong kalagayan, hindi sapat at hindi makatao ang Php50 kada kilo na imported rice. Hindi nito mababawi ang bagsik ng gutom at taas-presyo na araw-araw pinapasan ng mamamayan,” dagdag ng KMP.
Iginiit ng grupo na hindi lulutasin ng anumang price ceiling ang krisis sa bigas habang kontrolado ng rice cartel at malalaking rice traders ang pagbili, pag-iimbak, at bentahan ng suplay ng bigas lokal man o imported. Anila, paulit-ulit lang si BBM at DA sa mga maling polisiya at panandaliang remedyo habang nananatiling nakaasa sa importasyon sa halip na paunlarin ang lokal na produksyon ng palay.
“Habang milyon-milyong pamilya ang nagtitipid at nakararanas ng gutom, nakatuon pa rin sa importasyon at artificial price controls ang gobyerno imbes na todong suportahan ang lokal na produksyon at sugpuin ang pagka ganid ng rice cartel,” saad ng KMP.
Ayon naman sa monitoring ng Department of Agriculture, ang imported rice sa Metro Manila ay naglalaro sa P42 hanggang P62 kada kilo noong May 12. Mas mataas ito kumpara sa P35 hanggang P60 kada kilo noong Enero 1.
Sinabi rin ni Montemayor na ang kabiguan umano ng gobyerno na maagap na pigilan ang profiteering ay maaaring dahilan ng mataas na rice inflation noong Abril.
Samantala, iginiit ni Cainglet na mas malaking problema ang mabagal at limitadong distribusyon ng production subsidies, dahil dumarami umano ang rice farmers na ayaw nang magtanim sa susunod na cropping season.

Share.
Exit mobile version