Pinasisibak sa puwesto ang isang police general ng Philippine National Police – Highway Patrol Group (PNP-HPG) dahil sa umano’y sexual abuse sa isang policewoman, ayon sa National Police Commission (Napolcom).
Inihain ng biktima ang administratibong kaso laban sa opisyal sa Inspection, Monitoring, and Investigation Service ng Napolcom nitong Martes, kaugnay ng umano’y paglabag sa Republic Act No. 7877 o Anti-Sexual Harassment Act at Republic Act No. 10173 o Data Privacy Act.
Ayon sa Napolcom, iginiit ng complainant na inimbitahan siya ng heneral sa sexual activity habang hinahawakan umano ang kanyang puwitan. Idinagdag niya na sinamahan ng pananakot at pagbabanta ang mga aksyon ng opisyal, kabilang ang posibleng pag-reassign sa Mindanao kung tatanggi siya.
Bukod dito, sinabi ng biktima na kinuhanan ng larawan ng heneral ang kanyang telepono at nagbanta na gagamitin ito laban sa kanya kung magsusumbong sa dating director ng HPG.
“The complainant also alleged that the official accessed her cellphone without consent, read her messages, and took photos of images and conversations from her gallery, Messenger, and Viber accounts,” anang Napolcom.

Share.