Nasangkot ang ilang tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa isang gulong nangyari sa kanilang tinutuluyang resort sa Barangay Borol, Balagtas, Bulacan.
Ang insidente ay naitampok sa social media kung saan makikita ang paulit-ulit na panununtok ng isang kinilalang tauhan ng PCG sa isa sa mga bisita sa resort at kaibigan din ng may-ari, kahit pa ilang beses na itong bumagsak at lumalayo.
Itinulak naman ng isa pang PCG personnel ang kasama noon ng bisita at natigil lamang ang suntukan matapos umawat ang isa pang taga-PCG.
Sa rekord ng Balagtas Municipal Police Station, nangyari ang insidente noong Sabado ng gabi, Setyembre 12.
Ang naiulat na pisikal na pagtatalo ay kinilala naman ng Balagtas MPS na pinamumunuan ni PMajor Mark Anthony San Pedro matapos na ito ay lumabas sa social media.
Natukoy sa paunang imbestigasyon ng Balagtas MPS ang mga sangkot na partido, kabilang ang isang 41-taong-gulang na lalaki at isang tauhan ng Philippine Coast Guard.
Ang insidente ay naiulat na nag-ugat sa isang hindi pagkakaunawaan na humantong sa isang pisikal na pagtatalo.
Batay sa mga paunang natuklasan at pahayag na nakalap ng Balagtas MPS, ang kaso ay isinangguni para sa mga naaangkop na paglilitis sa ilalim ng Katarungang Pambarangay.
Kasunod nito ay tiniyak ng Balagtas MPS sa publiko na ang kaso ay hinahawakan alinsunod sa umiiral na batas at pamamaraan, nang may nararapat na paggalang sa mga karapatan ng lahat ng partido na sangkot.(Danilo Gravador)
