NASA mahigit P.2 milyong halaga ng shabu ang nasamsam sa dalawang drug pusher kabilang ang isang ginang matapos maaresto sa buy bust operation sa Valenzuela City.
Sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, ang naarestong mga suspek ay si alyas “Ligaya”, 40, at alyas “Rene”, 23, kapwa residente ng Brgy., Karuhatan.
Isinagawa ng mga operatiba NPD District Drug Enforcement Unit (DDEU) ang buy bust operation laban sa mga suspek malapit sa VCG Tree Cutting Services, Simeon Doon Compound, Barangay Karuhatan, sa koordinasyon sa PDEA.
Dakong alas-6:57 ng umaga nang maaresto ng mga operatiba ang mga suspek matapos umanong magsabwatan na magbinta ng shabu sa isang pulis na nagpanggap na poseur buyer.
Nakumpiska sa kanila ang humigi’t kumulang 30.9 grams ng suspected shabu na may estimated standard drug price na P210,120.00 at buy bust money.
Ayon sa pulisya, na-inquest na ang mga suspek kaugnay sa kasong paglabag sa Sections 5, 11, at 26, Article II ng R.A 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.(Roger Panizal)
