Sumuko na ang driver na sangkot sa viral na “gas-and-run” incident at nasa nasa kustodiya na ng Quezon City Police District (QCPD) nitong Lunes ng gabi.

Sinamahan ang 27-anyos na driver ng Toyota Innova na si alias “Jefferson” ng kanyang pamilya nang magtungo sa La Loma Police Station 1 ng QCPD bandang 8:00 ng gabi upang sumuko.
Nauna nang natukoy ng pulisya ang suspek at ang sasakyan sa pamamagitan ng forward at backward CCTV tracking at pakikipag-ugnayan sa iba pang ahensya.
Sa imbestigasyon, lumabas na tumigil sa pagmamaneho ang suspek at umiwas sa social media nang mag-viral ang insidente.
Ayon sa kanya, hindi niya alam na hinahanap na siya ng mga awtoridad at nanatili lamang siya sa kanilang bahay sa San Jose del Monte, Bulacan, kung saan nakaparada rin ang sasakyang sangkot.
Naganap ang insidente noong madaling araw ng Linggo nang magpakarga ng full tank ng diesel ang suspek sa isang gasolinahan sa EDSA nguni’t biglang umalis nang hindi binabayaran ang P5,196 na halaga ng gasolina.
Ayon kay Police Brig. Gen. Randy Silvio, natunton ng mga imbestigador ang puting sasakyan sa pamamagitan ng CCTV footage at backtracking operations.
Lumabas din sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya na hindi ang sumukong driver ang may-ari ng kotse at pinasalo lamang ito.
Ayon sa driver, nagawa lang umano niya ang pagtakas dahil sa hirap ng buhay, lalo na graduating student ang kanyang anak.
Sa krudo na lang din kasi umano napupunta ang lahat ng kanyang pinagpapaguran maghapon at halos wala na siyang maiuwi para sa kanyang pamilya.
Nagkaharap naman ang suspek at ang pumping attendant, na umano’y masaya dahil nahuli na ang tumakas na driver.
Sinabi naman ng pumping attendant na humingi na rin aniya ng dispensa ang driver at ang pamilya nito sa nagawa dahil tatlong araw din umano siyang hindi nakapasok dulot ng naturang insidente.
Samantala, pinalaya na ng La Loma Police Station ang TNVS driver.
Ayon sa La Loma Police, hindi na puwedeng i-inquest si Jefferson dahil lumampas na sa reglamentary period ng pagsasampa ng kaso.
Dahil dito, pinauwi na si Jefferson, na residente ng San Jose del Monte City, Bulacan.
Nasa pagpapasiya na umano ng Global Oil kung magdi-direct filing sila ng kasong estafa laban sa TNVS driver.

Share.