Inihayag ng National Bureau of Investigation (NBI) na ang matagumpay na deportasyon ng dating Negros Oriental Representative Arnolfo “Arnie” Teves Jr. ay resulta ng maayos at matibay na bilateral relations sa pagitan ng Pilipinas at Timor-Leste.
Sa isang press briefing, sinabi ni NBI Director Jaime Santiago na mahigpit na sinunod ng pamahalaang Pilipino ang mga kondisyon na nakasaad sa Certificate of Handover, alinsunod sa mga pamantayan ng internasyonal na batas at karapatang pantao.
Kabilang sa mga pangunahing garantiya sa dokumento ang:
-Walang irreducible life imprisonment
-Limitadong sentensiya na hindi lalampas sa 40 taon
-Walang parusang kamatayan
-Hindi pagtanggap ng coerced evidence
-Mahigpit na pagbabawal sa inhuman or degrading treatment
-Makatwiran at publikong paglilitis
-Hindi politically motivated ang prosekusyon
Noong Miyerkules ng gabi, bumiyahe patungong Timor-Leste ang isang joint team mula sa Department of Justice (DOJ), NBI, Bureau of Immigration (BI), at Philippine Air Force (PAF) upang personal na ayusin ang deportasyon at formal na pag-turnover kay Teves.
Naipatupad ang deportation process noong Huwebes ng hapon, matapos makipagpulong ang team sa mga opisyal ng Timor-Leste.
Pagbalik sa bansa, agad na isinakay si Teves sa isang PAF aircraft at isinailalim sa medical examination, booking procedure, at ang standard na mugshot process.
Pinayagan din umano ang kanyang ina at abogado na si Atty. Ferdinand Topacio na bumisita at makapanayam si Teves nang pribado sa loob ng ilang minuto.
Ayon kay Santiago, kasalukuyang hinihintay pa kung mananatili si Teves sa NBI Detention Facility o kung ihaharap muna ito sa Manila Regional Trial Court para sa tinatawag na return of the warrant.

Share.
Exit mobile version