Nanawagan ng pagkakaisa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., araw ng Linggo at hinihikayat ang mga filipino na pairalin ang diwa ng bayanihan habang ipinatutupad ng pamahalaan ang mga hakbang upang maibsan ang pasanin ng mga mananakay at iba pang apektadong sektor sa gitna ng tensyon sa Gitnang Silangan.
“Ngayon ang panahon para maipakita natin sa buong mundo ang katangian ng bayanihan na nasa puso ng bawat Pilipino,” pahayag ng Pangulo sa BBMVLOG 278, habang binibigyang-diin ang kahalagahan ng sama-samang pagkilos sa harap ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Hinimok din ng Pangulo ang publiko na maging responsable, lalo na sa pagbabahagi ng impormasyon.
“Pagtulong sa kapwa, o kahit sa pamamahagi ng tamang impormasyon at hindi pagkakalat ng fake news, huwag naman sana tayong magdagdag pa sa problema,” dagdag ni Pangulong Marcos.
Muling tiniyak ng Pangulo ang paninindigan ng pamahalaan na alalayan ang mamamayan sa gitna ng krisis. “Asahan naman ninyo na nandito lang ang pamahalaan bilang inyong takbuhan at sandalan… Huwag nating kakalimutan na kapag pinabayaan natin ang isa sa atin, napabayaan na natin ang buong bansa.”
Bilang tugon sa hirap na nararanasan ng mga commuter, iniutos ni Pangulong Marcos sa Department of Transportation (DOTr) na suspindihin ang planong pagtaas ng pamasahe.
“Siguro hindi ito ang panahon para magtaas ng pamasahe para sa ating mga kababayan. Kaya iniutos ko sa DOTR na suspindihin muna ang fare hike,” ani ng Pangulo.
Aniya pa, magpapatuloy ang libreng sakay program ng pamahalaan sa mga pangunahing lungsod tulad ng Metro Manila, Metro Cebu, at Metro Davao.
Samantala, sinabi rin ng Pangulo na magkakaroon ng 50 porsiyentong diskwento sa pamasahe ang mga pasahero ng LRT-2 at MRT-3 simula Marso 23 sa pamamagitan ng mga itinalagang Beep card, habang mananatili ang umiiral na diskwento para sa mga persons with disabilities, senior citizens, at mga estudyante.
Pinalalawak din ng administrasyon ang tulong pinansyal para sa mga manggagawa sa transportasyon at iba pang sektor na apektado. Naipamahagi na ang fuel subsidy sa halos 100,000 tricycle driver, at inaasahang magsisimula ang karagdagang ayuda sa buong bansa sa Abril 6.
Ipinatutupad din ang iba’t ibang cash relief at subsidy programs sa pamamagitan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
“Naiintindihan natin ang sigaw ng mga nagpoprotesta na kababayan natin… pero gusto kong ulitin sa inyo, hindi kayo maiiwanan; hindi kayo pababayaan ng pamahalaan,” pagtiyak ng Pangulo.
Sinabi rin ng Pangulo na mahigpit na binabantayan ng pamahalaan ang presyo ng mga pangunahing bilihin, at ayon sa mga inspeksyon sa mga pamilihan, nananatiling matatag ang presyo at sumusunod sa suggested retail price.
Patuloy din ang pakikipag-ugnayan sa mga manufacturer upang matiyak ang sapat na suplay ng mga pangunahing produkto.
Sa usapin ng pagkain, iniulat ng Pangulo na ipinatutupad ang P20 kada kilo ng bigas sa 177 local government units at balak pa itong palawakin.
“Sa bigas, wala tayong problema. Sapat ang supply at nakokontrol pa natin ang presyo,” ani ng Pangulo, kasabay ng pagsasabing pinag-aaralan din ang posibleng price cap sa bigas.
Upang matugunan ang usapin sa enerhiya, sinabi ni Pangulong Marcos na nakikipag-ugnayan ang pamahalaan sa mga power generation companies upang madagdagan ang suplay ng kuryente, kung saan 23 proyekto na may kabuuang 900 megawatts ang inaasahang madaragdag sa grid sa mga susunod na buwan.
Nakikipag-usap din ang pamahalaan sa iba’t ibang bansa tulad ng India, Japan, at South Korea upang matiyak ang suplay ng langis sa gitna ng global tightening.
Kasabay nito, tiniyak din ng Pangulo ang patuloy na pagtulong sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na apektado ng kaguluhan. Mahigit 1,400 OFWs at higit 300 dependents na ang nakauwi sa bansa mula noong unang bahagi ng Marso, at inaasahan pa ang karagdagang repatriation flights sa mga susunod na araw.
“Tuloy-tuloy naman ang pagdating ng ating mga kababayan mula sa Gitnang Silangan… tinitiyak natin na naaalagaan sila,” saad ng Pangulo. “Kaya tinitiyak naman natin na makakapag-hotel muna sila at binu-book natin sila sa mga flight na papunta sa kanilang mga probinsya. Tinitiyak natin na naaalagaan sila naman.”

Share.
Exit mobile version