Aminado si DPWH Secretary Vince Dizon na nananatili pa rin sa ahensiya ang ilang indibidwal na hindi natitinag sa mga kontrobersiya at nais ipagpatuloy ang nakasanayang maling sistema.
Sa gitna ng mga isyung kinakaharap ng DPWH, sinabi ni Dizon na isinusulong niya ang mga reporma upang baguhin ang kultura at sistema sa loob ng ahensiya.
Kabilang sa mga nais niyang baguhin ang umano’y “palakasan system” sa hiring at promosyon ng mga opisyal at empleyado.
Ayon kay Dizon, dapat nakabatay ang pagkuha at pag-angat sa posisyon sa kakayahan, credentials at performance ng isang tao, at hindi sa kung sino ang kanyang kakilala o kung sinong politiko ang nagrekomenda sa kanya.
Binigyang-diin ni Dizon na kailangang magkaroon ng sistema kung saan malinaw na nakasalalay sa performance ang pananatili ng isang opisyal sa kanyang posisyon.
“If they know that they’re… there’s… base on performance and any… a whiff of a problem, tanggal sila,” ani Dizon.
Dagdag pa ng kalihim, hindi na dapat maulit ang mga insidenteng may mga opisyal na tila naniniwalang hindi sila mahuhuli o mapapanagot sa anumang maling gawain.
Aniya, ang ganitong kaisipan ang maaaring magbigay ng lakas ng loob sa ilang indibidwal na mamuhay nang marangya at magpakita ng mga ari-ariang hindi tugma sa kanilang legal na pinagkukunan ng kita.
“They thought na never silang mahuhuli kaya ang lalakas ng loob nilang mag-casino, ang lakas ng loob nilang mag-Lamborghini, mag-Ferrari, mag-kung ano-ano kasi akala nila untouchable sila eh,” wika ni Dizon.
Ang mga pahayag ni Dizon ay lumabas sa dokumentaryong “Still Submerged in the Flood” ni Andrea Taguines.
=======

Share.
Exit mobile version