Nagtipon para sa isang memorial mass ang komunidad ng Ateneo de Manila University bilang paggunita sa ika-40 araw ng pagpanaw ng mga student-athlete na sina Rene Baterbonia at Divine Adili.
Pinangunahan ni University President Fr. Roberto “Bobby” Yap, SJ ang banal na misa na dinaluhan ng mga miyembro ng komunidad ng Ateneo upang alalahanin ang dalawang Blue Eagles at ipanalangin ang kanilang mga pamilya.
Sa kanyang homiliya, sinabi ni Fr. Bobby na ang 40 araw ay hindi lamang simpleng bilang ng panahon kundi isang yugto ng pagsubok, pagninilay, at muling pagbangon.
Para sa komunidad ng Ateneo, ang panahong ito ay naging panahon din ng pagdadalamhati at pag-alala.
“Even after 40 days, we are not moving on,” pahayag ni Fr. Bobby, na binigyang-diin na patuloy pa rin ang pagdadalamhati ng komunidad habang sinasamahan ang pamilya nina Rene at Divine sa kanilang paghilom.
Tiniyak din ng unibersidad na patuloy itong nagbibigay ng suporta sa mga naapektuhan ng trahedya, nakikipagtulungan sa mga awtoridad, at nagpapatuloy sa mga hakbang para sa pagsusuri at pagtugon sa nangyari.
Sa nasabing misa, inanunsiyo rin ni Fr. Bobby ang pagtatatag ng Blue Eagle Athletic Scholarship Funds bilang parangal kina Rene at Divine.
Layunin ng scholarship na mapanatili ang alaala, mga pinahahalagahan, at inspirasyon para sa mga susunod na henerasyon ng Ateneo student-athletes.
Ayon sa Ateneo, ang paggunita sa ika-40 araw ay hindi pagtatapos ng kanilang paglalakbay sa pagdadalamhati kundi panibagong hakbang upang patuloy na parangalan ang buhay at alaala nina Rene at Divine.
=======

Share.
Exit mobile version