Sinabi ng Ateneo de Manila University sa pagdinig ng Department of Labor and Employment (DOLE) na hindi empleyado ng unibersidad si dating Blue Eagles head coach Tab Baldwin kundi consultant lamang.
Sa clarificatory hearing hinggil sa employment status ni Baldwin nitong Huwebes, Hulyo 9, sinabi ng abogado ng Ateneo na si Krisha Santos na walang umiiral na employer-employee relationship sa pagitan ng unibersidad at ng beteranong basketball coach.
Ayon kay Santos, ang kasunduan ng Ateneo at ni Baldwin ay isang consultancy agreement at hindi employment contract.
Ipinaliwanag din niya na bilang consultant, may kalayaan si Baldwin na isagawa ang kanyang trabaho batay sa sarili niyang pamamaraan at hindi siya direktang kontrolado ng unibersidad.
Kinuwestiyon naman ni DOLE Secretary Francis Tolentino kung bakit tumatanggap si Baldwin ng mga benepisyo tulad ng housing at transportation allowance.
Tugon naman ni Santos, normal lamang ang pagbibigay ng kabayaran at iba pang konsiderasyon sa isang independent contractor bilang bahagi ng consultancy agreement.
Sinang-ayunan ito ni Ateneo lawyer Philippe Quimbo at sinabing hindi naman makatuwirang asahan na magbibigay ng serbisyo si Baldwin nang walang bayad kahit hindi siya regular na empleyado ng unibersidad.
Ayon pa kay Quimbo, ang pinakamahalagang batayan upang masabing may employer-employee relationship ay ang kapangyarihang kontrolin ang paraan ng pagtatrabaho ng isang tao, at aniya, hindi kailanman pinakialaman ng Ateneo ang coaching methods ni Baldwin.
Hindi dumalo si Baldwin at ang kanyang mga abogado sa naturang pagdinig.
Naging isyu ang employment status ni Baldwin matapos ang pagkamatay ng rookie player na si Rene Baterbonia at foreign student-athlete na si Divine Adili sa isang team activity sa Aurora noong nakaraang buwan.

Share.
Exit mobile version