PINAIIGTING ng National Capital Region Police Office (NCRPO), sa ilalim ng pamumuno ni Officer-in-Charge Police Brigadier General Christopher Abrahano, ang paghahanda para sa 49th ASEAN Summit and Related Summits sa pamamagitan ng mas pinaigting na koordinasyon sa mga kaukulang ahensya ng pamahalaan at iba pang stakeholders.
Dumalo si NCRPO Chief Abrahano sa inter-agency coordination meeting para sa Harmonized Actions and Interventions for the 49th ASEAN Summit noong Huwebes, Oktubre 1, 2026.
Tinalakay sa pagpupulong ng mga kinatawan ng bawat ahensya, kabilang ang Armed Forces of the Philippines, Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Department of Tourism, Department of the Interior and Local Government, at iba pa, ang mga hakbang upang matiyak ang maayos, ligtas, at matagumpay na pagdaraos ng regional gathering sa Nobyembre.
Nakatuon ang pagpupulong sa pagpapalakas ng koordinasyon at pagtutulungan sa traffic management, mobility, seguridad, crowd management, at iba pang logistical requirements sa mga lugar na pagdarausan ng mga aktibidad na may kaugnayan sa ASEAN Summit.
Binigyang-diin din ang pangangailangan para sa tuloy-tuloy na koordinasyon at mabilis na pagtugon sa bawat venue, kabilang ang mga hakbang sa traffic at transportasyon, maayos na paggalaw ng mga official convoy, at pagbibigay ng kinakailangang assistance sa mga ASEAN leaders, delegates, guests, at iba pang participants.
Pinaiigting ng NCRPO ang police visibility, security coverage sa mga rutang maaaring daanan ng mga delegado, gayundin ang intelligence at information monitoring sa mga strategic areas.
“Our preparation is centered on coordination, readiness, and rapid response. We want every concerned unit and agency to know its role and be ready to act when needed. At the same time, we want to make sure that the security measures for the Summit will be carried out with minimal inconvenience to our residents and the motoring public,”ani Abrahano. (Gina Garcia)
