NADAKIP ng pulisya ang 44- anyos na ama na nahaharap sa kasong panggagahasa sa sariling anak na menor-de-edad na nangyari sa Northern Samar makaraang matunton sa pinagtaguang lugar Lunes ng gabi sa Valenzuela City.
Magkasanib na puwersa ng National Capital Region Police Office (NCRPO) Anti Carnapping Section-Regional Intelligence Division, (ACS-RID) Bini Municipal Police Station at Police Regional Office 8 (PRO 8) ang nagsagawa ng operasyon dakong alas-10:10 ng gabi ilang hakbang lang mula sa subway construction site sa Tatalon St. Brgy. Ugong, na nagresulta sa pagkakadakip sa akusado na nagta-trabaho na bilang tile setter.
Bitbit ng mga awtoridad ang warrant of arrest na inilabas noong Nobyembre 4, 2025 ng Catarman, Northern Samar Regional Trial Court (RTC) Branch 20 laban sa akusado para sa kasong Rape at paglabag sa R.A. 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act na walang inirekomendang piyansa.
Batay sa rekord ng pulisya, naganap ang panghahalay noong Hunyo 28, 2024 sa loob ng bahay ng pamilya sa Bini, Northern Samar, matapos na magising ang biktma dakong alas-3:00 ng madaling araw nang maramdamang nakadagan at inaabuso na siya ng sariling ama.
Matapos ang panghahalay, tinangka ng biktima na humingi ng tulong sa pamamagitan ng pagtawag sa kanyang cellular phone subalit inagaw ito kaagad ng kanyang ama at pinagbantaan na sasaktan ng matindi, pati na ang kanyang mga kapatid, kapag ipinabatid kaninuman ang pangyayari.
Kinabukasan, nagpasiya muna ang biktima na pansamantalang tumira sa kanyang tiyahin pero hindi rin niya nagawang makapagsumbong sa takot na totohanin ng kanyang ama na parusahan at saktan ang kanyang mga kapatid.
Nang magsagawa ng programang pangkalusugan noong Hulyo 5, 2024 sa kanilang lugar ang Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), dito na nakakita ng pagkakataon ang biktima na sabihin sa isang komadrona ang sinapit sa kamay ng ama.
Dahil dito, ipinabatid kaagad ng komadrona sa pamuduan ng MSWDO ang sumbong ng biktima hanggang iparating na nila sa kapulisan ang pangyayari makaraang isailalim ang bata sa pisikal na pagsusuri upang matiyak na nagsasabi siya ng totoo.
Nang malaman ng suspek ang pagsusumbong ng anak, dito na siya nagpasiyang magtago hanggang makahanap ng trabaho sa Valenzuela City kung saan tuluyang siyang nadakip.
Pansamantalang nakapiit sa custodial facility ng ACS-RID sa Camp Bagong Diwa ang akusado habang inaayos pa ang pagbabalik ng warrant of arrest sa korte ng Northen Samar para sa paglalabas ng utos ng hukom sa pagbiyahe sa pugante patungong Northern Samar. (Edison de Jesus)
