Nitong Miyerkules ng hapon ay pinangunahan nina Manila Mayor Isko Moreno Domagoso at Vice Mayor Chi Atienza ang “Pugay Tagumpay Graduation Ceremony” ng lokal na pamahalaan na ginanap sa San Andres Sports Complex, kasama ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Manila Department of Social Welfare (MDSW).
Ang mga nagtapos sa programa ay nagmula sa anim na distrito ng lungsod at sa Baseco kung saan nakapagtala ng pinakamarami ang District 1 na umabot sa 286, sumunod ang District 2 na 192, District 3 na 122, District 4, 116, Baseco at District 6 na tig-105 at District 5 na 74.
Sinabi ng Mayor Isko sa kanyang talumpati na ang pag-alis sa programa ng bawat isa ay hindi nangangahulugan na hindi na sila susuportahan ng lokal na pamahalaan at hinimok pa nga niya ang mga ito na mag-enroll sa skills training program ng lungsod kung saan katuwang nila ang Technical Education and Skills Development Authority o TESDA.
“Sino gustong maghanapbuhay? Kunin niyo na, sumali kayo doon sa training, matuto kayo officially, sertipikado pa kayo ng TESDA,” payo ni ni Mayor Isko sa mga nagtapos na puwede aniyang mag-aral ng pagluluto, pastry making, manicure services, at iba pang kaalaman na magbibigay-daan sa kanilang paghahanapbuhay.
Sa oras aniyang makumpleto na ang kanilang pagsasanay, puwede silang mag-apply ng pinansiyal na tulong pangkabuhayan sa Maynila upang magamit na puhunan sa kanilang natutunang kaalaman na magiging daan sa pagtatayo ng sariling negosyo.
Sinamantala rin ni Mayor Isko ang naturang okasyon upang ipabatid sa mga Manileño ang Catheterization Lab sa Ospital ng Maynila na magkakaloob ng libreng angiogram at angioplasty na operasyon na kung gagawin sa pribadong pagamutan ay gagastusan ng tinatayang ₱50,000 hanggang ₱1.5 milyon.
“Magkano ang babayaran niyo? Sa Heart Center, 75,000 hanggang 500,000. Sa Maynila, wala kayong babayaran. Zero, literally zero,” sabi pa ng alkalde matapos makapagsilbi na ang naturang pagamutan ng 79 na pasyente simula nang buksan ng walang binayaran ang pasyente.
Siniguro rin ng alkalde sa mga nagtapos na sa 4Ps at sa publiko na patuloy na mamumuhunan ang lungsod sa mga pangunahing pangangailangan gaya ng pabahay, edukasyon, pangangalaga sa kalusugan, at trabaho kahit pa nga dumaranas ang Maynila ng kakapusan aa pananalapi bunga ng pandaigdigang suliranin.
“Kahit na kakaunti ang ating resources, malaking porsyento noon ay patuloy kong gagastusin addressing MBN,” pagtiyak ng alkalde. “May gobyerno sa Lungsod ng Maynila,” dagdag pa niya. (Edison de Jesus)
