Arestado ang lalaking nameke ng isang Lotto ticket upang tangkaing kuhanin ang P172,000,000.00 jackpot prize sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nitong Lunes, Abril 27.
Batay sa pahayag ng National Capital Region Police Office (NCRPO) nitong Martes, Abril 28, bandang 10:50 ng umaga nang iprinesenta ng lalaki ang umano’y winning ticket sa opisina ng PCSO sa Shaw Boulevard, Barangay Wack-Wack, Mandaluyong City.
Gayunman, napag-alaman sa opisyal na Lotto database at cotejo system na nakuha na ng tunay na nanalo ang nasabing premyo at sa mabusising pagsusuri, nakita sa opisina ang malilinaw na mga senyales ng pamemeke, kasama ang sulat-kamay na entries gamit ang ballpen.
Sa kumpirmasyon ng PCSO Data Center and Security Office, tuluyang natukoy na pineke ang ticket.
Bilang aksyon, agad na hinuli ang suspek at kinuha ang pagmamay-ari nitong Lotto ticket na mayroong mga marka at pirma ng nanghuling opisyal bilang ebidensiya.
Sa paghuli, isinailalim ang suspek sa isang medical examination at nai-turn over sa mga imbestigador para sa case build-up at inquest proceeding sa Mandaluyong City Prosecutor’s Office sa kasong “Falsification of Public Document.”

Share.