Nilinaw ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong nitong Martes na walang pagbabawal sa pagkuha ng litrato sa Lion’s Head sa kahabaan ng Kennon Road, at ang ipinagbabawal lamang ang paghinto ng mga sasakyan sa tapat mismo ng landmark kapag mabigat ang daloy ng trapiko.
Sa isang social media post na ibinahagi ng Baguio City Public Information Office, sinabi ni Magalong na pinapayagan pa rin ang mga bisita na magpa-picture sa lugar, ngunit hindi maaaring huminto ang mga sasakyan sa harap ng estruktura kapag matindi ang trapiko upang maiwasan ang pagsisikip sa pangunahing lansangan.
“Hindi naman totally bina-ban ang picture-taking. Ang pinaka-critical na consideration is the traffic condition,” ayon sa alkalde.
Ang paglilinaw ay ginawa matapos batikusin ng ilang media outlet at netizen ang mga tarpaulin na inilagay ng mga awtoridad, na inakala ng marami na pagbabawal sa pagkuha ng litrato sa kilalang tourist spot.
Ayon sa mga awtoridad, maaari pa ring huminto ang mga bisita sa mga itinalagang parking spaces kapag magaan ang trapiko, kung saan maaari silang ligtas na mag-park, bumaba, at kumuha ng litrato.
Tiniyak ni Magalong sa publiko na maaari pa ring ma-enjoy ng mga turista ang landmark at makapagpa-picture basta’t sumusunod sila sa traffic rules at inuuna ang kaligtasan sa kalsada. Idinagdag niya na nananatiling pangunahing prayoridad ng lungsod ang maayos na daloy ng trapiko sa lugar.
Sinabi naman ni Baguio City Police Office Director P/Colonel Ruel Tagel na ipinatutupad ng lungsod ang “No Stopping at Anytime” rule sa harap ng estatwa. Ayon pa sa kanya, ang mga tarpaulin ay inilagay upang maging mas kapansin-pansin ang lugar na bawal paghintuan, ngunit napagkamalan itong pagbabawal sa picture-taking kaya iniutos niya ang agarang pagtanggal sa mga ito.
Ang 40-foot na Lion’s Head, na itinayo mula 1971 hanggang 1972, ay ipinagawa ng mga miyembro ng Lions Club ng Baguio. Inukit ito ng Ifugao artist na si Reynaldo Lopez Nanyac mula sa isang limestone boulder kasama ang grupo ng mga inhinyero at minero, habang ang artistic carving ng façade ay isinagawa naman ng yumaong sculptor na si Anselmo B. Day-ag.
Trending
- Mag-utol na Carlos, Karl Yulo magkakasama sa 2028 LA Olympics
- Biado, Centeno, Amit nanatili sa title hunts
- Niño Muhlach, nagkagusto kay Janice De Belen
- Imelda Schweighart aariba sa MGI All Stars
- Kim Chiu nag-aral sa Paris, business skills pinatalas
- PNP naglunsad ng crackdown vs ‘fixer’ ng ayuda
- PNP, pinaigting kampanya vs ilegal na kalakalan ng petrolyo
- Portable swimming pool at tent bawal sa kalsada sa Maynila

