DINAGSA ng libo-libo katao ang taunang pagpapa-ilaw sa higanteng Christmas tree at pagbubukas ng Christmas bazaar at amusement park Biyernes ng gabi sa Centennial Park sa Navotas City.

Kinailangang isara ang bahagi ng C-4 Road na papasok sa Centennial Park bunga ng dami ng taong sumugod sa lugar upang saksihan ang makulay na pagpapa-ilaw ng Christmas tree na sinabayan ng ribbon cutting ceremony na pinangunahan ni Mayor John Rey Tiangco para sa pagbubukas ng bazaar at amusement park.

Ayon kay Mayor Tiangco, hindi lamang para sa ikalulugod ng mga Navoteno ang binuksang bazaar at amusement park kundi upang makatulong na rin sa maliliit na negosyante na nabigyan ng mga food stalls na paglalakuan nila ng street foods, inumin, retail stores, at Christmas souvenir.

Akma ang paglalagay ng higanteng Christmas tree sa naturang parke dahil tanaw mula rito ang kagandahan ng Manila Bay, habang hitik naman sa kasiyahan ang mga bata sa mga inilagay na rides tulang ng carousel, Vikings, fun slide, at carnival games.

Magtatagal ang bazaar at amusement park ng hanggang Enero 17, 2027 na sisimulan ang operasyon ng alas-4:00 ng hapon hanggang alas-12 ng hatinggabi. (Edison de Jesus)

Share.