Pormal nang isinampa ang kasong murder laban sa isang indibiduwal na itinuturong pumatay sa isang 35-anyos na lalaki sa Purok 3, Brgy. Daungan, Guiguinto, Bulacan.

Ang biktima ay kinilala ng mga awtoridad na si Alyas Teteng, residente ng Brgy. Daungan, Guiguinto, Bulacan.

Noong Oktubre 26, rumesponde ang mga tauhan ng Guiguinto Municipal Police Station sa pangunguna ni PLtCol Johnnyboy R. Itcay, officer-in-charge, matapos makatanggap ng ulat hinggil sa pagkakatagpo sa bangkay.

Sa ulat ay napag-alamang natagpuan ang biktima na nakabalot sa puting kumot sa loob ng comfort room ng isang bahay at nasa estado na ng pagkabulok.

Sa isinagawang follow-up investigation, muling nagtungo sa crime scene ang mga operatiba at nakapanayam ang mga residente sa paligid.

Isa sa mga lumapit sa imbestigador ang isang 33-anyos na witness, na naglahad na noong Oktubre 24, dakong alas-8:00 ng gabi, nakipag-inuman siya sa apartment ng 40-anyos na suspek, kasama ang biktima.
Ayon sa salaysay ng witness, nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang biktima at suspek matapos akusahan ang biktima na may relasyon ito sa dating kinakasama ng suspek.

Dakong alas-10:00 ng gabi, pumasok ang biktima sa comfort room at sinundan ito ng suspek.

Isinara umano ng suspek ang pinto at bintana ng apartment hanggang makalipas ang ilang minuto, nakita ng testigo ang suspek na lumabas ng apartment habang may hawak na duguang kutsilyo kaya dahil sa takot, agad siyang umuwi.

Isinalaysay rin niya na noong Oktubre 25, 2026, dakong alas-4:00 ng madaling-araw, pinuntahan siya ng suspek sa kanyang bahay at paulit-ulit na tinawag ang kanyang pangalan na may kahalong pagbabanta, subalit nanatili siyang tahimik sa loob hanggang sa umalis ang suspek.

Kalaunan, dinala ang testigo sa Guiguinto MPS upang magbigay ng kanyang sinumpaang salaysay.

Nagsagawa rin ng crime scene processing ang Bulacan PPO Provincial Forensic Unit bilang bahagi ng imbestigasyon.

Pormal na nagsampa ng kasong murder ang ina ng biktima laban sa naarestong suspek sa tanggapan ng Provincial Prosecutor sa Lungsod ng Malolos, Bulacan.(Danilo Gravador)

Share.