SUGATAN ang 34-anyos na ginang nang pagtatagain ng bading na kapitbahay Huwebes ng umaga sa Malabon City.

Kaagad na isinugod ng kanyang mister ang biktimang si alyas “Sharmaine” sa Fatima Medical Center sa Valenzuela City kung saan kaagad na nilapatan ng lunas sa mga tinamong tama ng taga sa batok at kamay.

Nadakip naman kaagad ng mga tauhan ni Malabon police chief P/Col. Kenneth Mission ang suspek na si alyas “Melad” na kilala rin sa alyas “Eh Eh”, 39, nang matunton sa Barangay Potrero dakong alas-1:40 ng hapon sa tulong ng mga residente at barangay tanod sa lugar.

Nabawi sa kanya ng pulisya ang ginamit na mapurol na itak na may bahid pa ng dugo.

Sa kuha ng CCTV sa lugar, naglalakad ang biktima, kasama ang paslit na anak, sa Doña Juana St. Brgy. Potrero alas-10:15 ng umaga nang sumulpot mula sa kanyang likuran ang suspek na armado ng 13-pulgadang itak at bigla na lang pinagtataga ang biktima sa leeg hanggang sa malugmok sa kalsada.

Tumakas ang suspek nang makitang naglabasan ang mga tao sa lugar at iniwan ang nakasubsob na biktima na katabi ang paslit na anak na pumapalahaw ng iyak.

Ayon sa pulisya, personal na alitan umano ang dahilan ng tangkang pagpatay ng suspek sa kapitbahay.

Nagpahayag pa ang suspek na hindi niya pinagsisisihan ang ginawa at handa siyang panagutan ang kasong frustrated murder na isasampa ng pulisya laban sa kanya. (Edison de Jesus)

 

Share.