Ikinabahala ng mga residente ang pagkakatuklas sa mahigit 26 na aso at pusa na natagpuan sa loob ng mga sako sa isang bakanteng lote sa Lungsod ng San Jose del Monte, Bulacan.
Napag-alaman sa mga residente na tatlong araw nang nakatambak sa lugar ang mga sako bago nila natuklasan na mga patay na hayop ang laman nito.
Batay sa paunang impormasyon, magkakahiwalay na nakabalot ang bawat hayop at may nakasulat na pangalan at timbang sa kani-kanilang supot.
Kasunod nito ay isang establisimyentong nagbibigay ng serbisyong pet cremation sa Bacoor City, Cavite, ang iniuugnay sa kontrobersiyal na pagkakatuklas sa bangkay ng mga aso at pusa sa Bulacan
Lalong naging mabigat ang pangyayari matapos lumantad ang isang furparent at makilala na kabilang sa natagpuan ang labi ng kanilang dating alagang asong si Ivy na may na timbang na 14.6kg na ipinagkatiwala sa naturang establisimyento para sa cremation at huling pag-aasikaso.
Ayon sa salaysay ng furparent, ang Ahjay Paws Aftercare sa Bacoor, Cavite ang kanilang pinagkatiwalaan upang matiyak na mabibigyan ng maayos at marangal na pagtrato ang mga labi ng kanilang alaga matapos itong pumanaw.
Gayunman, ikinagulat at ikinalungkot ng pamilya ang pagkakatuklas sa kanilang alagang hayop sa naturang lugar sa Bulacan, na nagbunsod ng mga katanungan hinggil sa aktuwal na naging proseso ng pag-aasikaso sa mga labi ng mga hayop na ipinagkatiwala sa naturang serbisyo.
Dahil dito, nanawagan ang mga concerned furparents sa Philippine National Police (PNP) Bacoor Component City Police Station, Pamahalaang Lungsod ng Bacoor at Bureau of Animal Industry (BAI) – Animal Health and Welfare Division na magsagawa ng agarang at masusing imbestigasyon upang matukoy ang buong pangyayari at mapanagot ang sinumang mapatutunayang may pananagutan.
Nais din ng mga furparent na mabigyang-linaw kung paano napunta sa Bulacan ang mga bangkay ng mga hayop, kung sino ang may pananagutan sa kanilang pangangalaga at kung nasunod ang mga wastong proseso sa paghawak at pagtatapon sa mga labi.
Mariin namang itinanggi ni Jonathan Legaspi, may-ari ng Ahjay Paws Aftercare, ang anumang kaugnayan ng kanilang serbisyo sa isyu dahil wala umanong pruweba na sa kanilang mga kliyente galing ang mga natagpuang hayop.
Ayon naman kay Bacoor Mayor Strike Revilla, ipinasara na ang naturang establisyimento at magpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente kabilang ang pagproseso ng refund sa mga biktimang fur-parent at pagsasampa ng kaukulang kaso sa may-ari.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alamang may dalawang cremation machines ang facility, isa sa Bacoor at Caloocan City.
Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ng San Jose del Monte City Police Station ang insidente at tinutukoy na rin ang sasakyang ginamit sa pagdadala ng mga hayop sa lugar.
Ayon pa sa ulat, posibleng maharap sa paglabag sa lokal na ordinansa at kasong estafa ang may-ari ng crematorium kung mapatutunayang niloko nito ang mga pet owner.(Danilo Gravador)

