MAKALIPAS ang limang araw na nawawala natunton ng Taguig City Police Station ang 4th year Multimedia Arts na estudyante na nailigtas sa tangkang pagpapatiwakal, sa Laguna, Sabado ng madaling araw.

Naunang iniulat na nawawala ang biktimang 21 anyos, estudyante ng University of the Philippines-Los BaƱos ng Barangay Pinagsama, Taguig City simula noong Oktubre 25, 2026.

Batay sa Taguig CPS, naging viral sa Facebook ang panawagan ng mga magulang makaraan mainterbyu ng ABS-CBN at hindi rin tumigil sa paghahanap ang kanilang mga operatiba katuwang ang Southern Police District (SPD) units at iba pang law enforcement units at pamilya ng biktima.

Sa tulong ng CCTV forward tracking na nakalap sa San Pablo, Laguna, at koordinasyon kay Laguna Provincial Director P/Colonel Zandro Jay Tafalla at San Pablo City chief of police P/Lt. Col, Mederic Villarete ay nakita sa hotel sa San Pablo ang biktima.

Nalaman ng Women and Children Protection Desk ng Taguig CPS, may matinding problema ang estudyante kaya naglayas ng bahay. Unang nagtungo sa isang resort sa Laiya, Batangas ito at umupa ng cottage at sa planong magpalunod.

Sumunod ay nagtungo sa San Pablo, kung saan isinagawa ang rescue operation. Sa nasabing hotel umano ay nagtangkang magbigti ng dalaga, na may bakas pa sa kanyang leeg ng pagbibigti.

Dinala ng pamilya ang biktima sa isang pribadong ospital para sa psychological attention.

Tiniyak ng Taguig City Police Station na patuloy silang magbibigay ng assistance hanggang sa mailagay ang biktima sa ligtas na institusyon para sa kaukulang interbensyon. (Gina Garcia)

Share.