PINAGHAHANDA ni Bureau of Corrections Director General Gregorio Pio Catapang Jr. ang lahat ng superintendent ng operating prison at penal farms na maghanda ng contingency plan para sa inaasahang El Niño.

Sa direktiba,sinabi ni BuCor director na kailangang matiyak ang tuloy-tuloy na serbisyo habang pinangangalagaan ang kalusugan, kaligtasan at kapakanan ng mga persons deprived of liberty (PDL),at kawani ng BuCor.

Sakop ng contingency plan ang mga hamon ng matagalang init at kakulangan sa tubig, kabilang ang suplay at pagtitipid ng tubig, sapat na pagkain, serbisyong medikal, sanitasyon, bentilasyon at emergency response.

Iniutos rin sa mga administrador na tukuyin ang mga PDL at empleyadong mas vulnerable sa heat-related illness at maglatag ng monitoring, preventive measures at referral procedures para sa agarang interbensyon.

Sinabi ni BuCor director na mahalaga ang kahandaan at koordinasyon para mapanatili ang kapayapaan at maiwasan ang aberya sa operasyon ng mga piitan.

Kailangang isumite ng mga superintendent ang kanilang El Niño Contingency Plan sa Office of the Director General hanggang Nobyembre 2, 2026.

Pag-iisahin ng ODG ang mga plano at susuriin ang mga panukalang hakbang para ipatupad sa buong BuCor.

Bahagi ito ng pinaigting na disaster preparedness at institutional resilience ng ahensya para mabawasan ang epekto ng El Niño sa prison community at masiguro ang ligtas at maayos na correctional services. (Gina Garcia)

Share.