PATULOY ang pamamahagi ng tulong-pinansyal sa mga kwalipikadong benepisyaryo ng UPLIFT Program sa isinagawang second tranche payout sa Aguilar Sports Complex, Las Piñas City.

Dumalo si Mayor April Aguilar sa payout, kasama sina Congressman Mark Anthony Santos, Councilors Macky Saito at Mac Mac Santos.

Pinangasiwaan ni City Social Welfare and Development Office (CSWDO) Head Lowefe Romulo ang naturang payout, kung saan mismong ang mga disbursing officer ng Department of Social Welfare and Development-National Capital Region (DSWD-NCR) ang nag-abot ng ayuda sa bawat benepisyaryo.

Sa ilalim ng pamumuno ni Mayor April, patuloy na nakikipagtulungan ang Pamahalaang Lungsod ng Las Piñas sa mga pambansang ahensya upang mailapit ang mga programa sa mga pamilyang nangangailangan.

Samantala nasa mahigit 2,000 persons with disabilities (PWDs) mula sa iba’t ibang barangay sa Las Piñas City ang tumanggap ng school supplies bilang bahagi ng education assistance para sa kanilang sektor na ginanap sa Aguilar Sports Complex.

Pinangunahan ni Mayor April Aguilar ang pamamahagi ng mga school bag na kumpleto sa gamit upang makabawas sa kanilang gastusin. Kasama sa mga tumulong sina City Social Welfare and Development Officer (CSWDO) representative Lowefe Romulo at PWD focal person representative Ronald Monfero.

Bilang bahagi ng programa sa patuloy na pagsusulong ng oportunidad, hindi tumitigil ang pamahalaang lungsod na maghahatid ng mga programang nagbibigay-suporta para sa mga PWD at kanilang pamilya upang walang Las Piñerong maiiwan sa pag-unlad. (Gina Garcia)

Share.