NADAKIP sa follow-up operation ng pulisya ang 53-anyos na obrero matapos niyang pagsasaksakin ang kapitbahay na una niyang nakasuntukan Linggo ng gabi sa Valenzuela City.
Nasa maayos ng kalagayan sa Valenzuela Medical Center ang biktimang si alyas “Raffy”, 33, matapos maisailalim sa operasyon sa mga tama ng saksak sa kanang tagiliran habang nabawi naman nina P/SSg Rommel De Robles at P/Cpl. Roniel Acas ng Valenzuela Police Sub-Station-6 sa nadakip na suspek na si alyas “George” ang ginamit na patalim makaraan siyang madakip.
Sa ipinarating na ulat ni Valenzuela police chief P/Col. Joseph Talento kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, dakong alas-8:00 ng gabi nang manggulo at magwala ang biktimang si alyas Raffy habang nasa impluwensiya ng alak sa harapan ng kanilang bahay sa kanto ng Rita at J. Santiago Streets, Barangay Malanday.
Nang awatin siya ng suspek na si alyas George, nagalit ang biktima at lalung nagwala at humantong pa sa kanilang pagsusuntukan hanggang awatin sila ng mga Tanod at dinala sa barangay hall upang doon mag-usap.
Matapos magkausap sa barangay, sumakay na sa kanyang bisikleta para umuwi ang biktima nang habulin siya ng suspek at inundayan ng sunod-sunod na saksak sa tagiliran.
Ayon sa pulisya, mahaharap ang suspek sa kasong Frustrated Homicide sa Malabon City Prosecutor’s Office. (Edison de Jesus)
—–
Photo Caption : Ang suspek na si alyas George matapos madakip ng pulisya. (larawan mula sa Valenzuela Sub-Station-6)

