Nagsagawa ng operasyon ang CIDG Angeles City Field Unit, kasama ang Food and Drug Administration (FDA) Region 3, sa isang bodega sa Brgy. Cutcut, Angeles City, Pampanga, dahil sa paglabag sa Republic Act No. 9711 (Food and Drug Administration Act of 2009).

Sa ulat na ipinadala ni PMajor Harold A. Landicho, hepe ng CIDG Angeles City Field Unit, kay PColonel Grant A Gollod, regional Chief ng CIDG Regional Field Unit 3, ang operasyon ay nagresulta sa pagkumpiska ng iba’t ibang brand ng Korean luncheon meat products na tinatayang may halaga sa merkado na ₱1,040,040.00.

Ang mga produkto ay hindi rehistrado sa Food and Drug Administration (FDA) at hindi sumusunod sa naaangkop na pamantayan sa kalidad o kaligtasan ng pagkain.

Isang 17-taong-gulang na menor de edad (Child in Conflict with the Law/CICL) ang naaresto habang nagtitinda at nakikipagkalakalan ng mga iligal na produkto.

Ang suspek ay isinailalim sa dokumentasyon at ibinigay sa City Social Welfare and Development Office para sa naaangkop na aksyon.

Samantalang nagsampa naman ang mga awtoridad ng kasong kriminal laban sa may-ari ng bodega na kasalukuyan pang pinaghahanap.

Ayon sa CIDG na alinsunod sa Republic Act No. 9711 (Food and Drug Administration Act of 2009), ipinagbabawal ang paggawa, pag-angkat, pagbebenta, pag-aalok para sa pagbebenta, pamamahagi, at paglilipat ng mga produktong pangkalusugan at pagkain nang walang kinakailangang rehistrasyon at awtorisasyon mula sa Food and Drug Administration (FDA).(Danilo Gravador)

Share.