Isang dating miyembro ng Philippine National Police ang inaresto matapos mahulihan ng hindi lisensyadong baril, mga bala at sako-sakong uling na walang kaukulang dokumento sa Barangay San Juan, Pantabangan, Nueva Ecija nitong Oktubre 19, 2026.
Sa ulat na ipinadala ni Pantabangan PNP Chief Capt. Noel Villajuan kay Nueva Ecija Police Provincial Director Col. Ritchie Claravall, mag-a-alas 12 ng hatinggabi nang magsagawa ng Oplan Sita ang pinagsanib na puwersa ng Pantabangan Municipal Police Station, 2nd Provincial Mobile Force Company, kasama ang Barangay Peacekeeping Action Teams o BPATs at mga opisyal ng Barangay.
Hinarang sa operasyon ang isang puting Mitsubishi L300 van na may plakang NKT 7769.
Sa inspeksyon, nadiskubre sa bag ng 42-anyos na drayber ang isang iligal na homemade caliber 45 na may pitong bala.
Nasamsam din sa sasakyan ng dating pulis na residente ng Talavera, Nueva Ecija ang animnapung sako ng uling na walang kaukulang permit para sa transportasyon.
Kasama ng mga nakumpiskang kagamitan, dinala ang suspek sa Pantabangan MPS para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.
Nakipag-ugnayan na rin ang mga awtoridad sa Municipal Environment and Natural Resources Office o MENRO at Community Environment and Natural Resources Office o CENRO kaugnay ng mga nakumpiskang uling at impounded na sasakyan.
Sinampahan na ng kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang suspek sa Office of the Provincial Prosecutor sa Cabanatuan City.(Danilo Gravador)

