Ilang world leader ang napaulat na umano’y nagkaroon ng problema sa kalusugan matapos dumalo sa BRICS Summit sa New Delhi, India noong Setyembre 12 hanggang Setyembre 13.
Kabilang dito si South African President Cyril Ramaphosa, na umatras muna sa mga pampublikong aktibidad matapos bumalik sa South Africa noong Lunes.
Ayon sa kanyang tanggapan, pinayuhan si Ramaphosa, 73, ng kanyang mga doktor na magpahinga at magpagaling.
Sa mga nakatakdang aktibidad, maaari umanong mga ministro muna ang kumatawan sa kanya.
Kasabay nito, nagpapagaling din si South African Deputy President Paul Mashatile mula sa isang minor medical procedure.
Sinabi niyang maayos ang kanyang recovery at patuloy siyang nagpapalakas sa payo ng kanyang mga doktor.
Samantala, isang post ni Wanjun Xie, chairman ng China Democratic Party, ang nagsabing nawalan umano ng malay si Chinese President Xi Jinping habang nasa BRICS Summit at bumalik sa China sakay ng special flight para sa medical treatment.
Iniugnay rin ng post sa social media platform na X si Xi sa umano’y malubhang ischemic stroke at sinabing dinala siya sa 301 Hospital sa Beijing.
Wala namang opisyal na kumpirmasyon sa naturang pahayag, at may Community Notes din umano ang nasabing post.
Sa kabila ng mga alegasyon, dumalo si Xi sa summit at nakipagpulong kay Indian Prime Minister Narendra Modi sa sidelines ng pagtitipon.
Matatandaan naman na kabilang si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga dumalo sa BRICS Summit bilang Chair ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).

Share.