WALANG takas sa drone sa mga piitan ang mga Persons Deprived of Liberty (PDLs) ito ang sinabi ni
Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio Catapang Jr.

Walang tsansang makatakas sa mga correctional facility sa pamamagitan ng paggamit ng drone, dahil sa ingay na nalilikha ng mga aparato at sa malawak na closed-circuit television (CCTV) system na nakakabit sa mga kulungan.

Ang pahayag ay ginawa ni BuCor director bilang tugon sa mga tanong ng media kaugnay ng posibleng paggamit ng drone sa operasyon ng piitan,partikular sa mga tangkang pagtakas, paghahatid ng kontrabando, o ilegal na pagmamanman sa mga correctional facility.

“All our Operating Prison and Penal Farms are no fly zones, and we have watch towers manned 24/7 which immediately alert our guards if there will be attempts to escape through drones aside from maingay ang drone at equipped naman ang ating facilities ng mga CCTV, so we can detect it at once,” ani Catapang.

Dagdag pa ni Catapang,hindi makakalapit ang mga drone sa mga correctional facility nang hindi napapansin ng mga tauhan at ng security system.

Ang maingay na motor ng mga ito, lalo na kapag lumilipad nang mababa,ay agad na makakaalerto sa mga gwardya at iba pang awtoridad.

Lalo pang pinapalakas ng mga CCTV camera na nakakalat sa buong pasilidad ang kakayahan ng Bureau na makatuklas ng kahina-hinalang aktibidad.

Sa pamamagitan ng mga camera, namo-monitor ng security personnel ang loob at paligid ng piitan,mga gusali, at iba pang restricted area.

Anumang drone na mamataan sa loob o malapit sa pasilidad ay maaaring ma-record at masubaybayan, kaya mabilis na makakaresponde ang mga awtoridad, sabi pa ni Catapang.

Mahalaga ang isyung ito, ani BuCor director, dahil pinamamahalaan ng BuCor ang ilang malalaki at siksikang pasilidad.

Ang pagpapanatili ng seguridad ay nangangailangan hindi lamang ng pisikal na harang kundi pati ng patuloy na pagbabantay at patuloy na pagpapabuti ng mga monitoring system.(Gina Garcia)

 

Share.