Nasawi ang 14-anyos na estudyante nang masagasaan ng motorsiklo at muling tamaan ng isa pang motorsiklo sa national highway sa Barangay Tagapo, Santa Rosa City, Laguna, Sabado ng gabi.
Ayon sa report ng Sta Rosa City police, tumatawid ang biktima mula sa Robinsons Mall 9:00 ng gabi nang salpukin ito ng isang motorsiklong mabilis umano ang takbo mula sa stoplight, patungong Barangay Balibago.
Sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ang biktima sa gitna ng kalsada at doon naman siya nasagasaan ng isa pang paparating na motorsiklo.
Agad na isinugod ang biktima sa New Sinai Hospital ng rescue team, ngunit namatay habang ginagamot.
Naaresto naman ng mga awtoridad ang 23-anyos na driver ng unang motorsiklong nakabangga sa biktima at kasalukuyang nasa kustodiya ng Santa Rosa City Police Station.
Inihahanda ang pagsasampa ng kasong reckless imprudence resulting in homicide laban sa driver.

Share.