Sugatan ang dalawang menor de edad na sinasabing may kaugnayan sa mga armadong grupo matapos makipagpalitan ng putok sa mga pulis na nagsasagawa ng COMELEC checkpoint sa Barangay Poblacion II, Shariff Aguak, Maguindanao del Sur.
Kinilala ng PNP BARMM ang dalawang suspek sa kanilang mga alyas na “Sop” at “Abs,” kapwa residente ng Barangay Kitango, Datu Saudi Ampatuan.
Batay sa ulat, nagsasagawa ng checkpoint ang mga tauhan ng Shariff Aguak Municipal Police Station bandang alas-3 ng hapon bilang bahagi ng pagpapatupad ng COMELEC gun ban nang mamataan ang isang motorsiklong walang plaka na may dalawang sakay.
Ayon sa pulisya, kahina-hinala ang kilos ng mga sakay at nagtangkang umiwas sa checkpoint. Nang parahin, hindi umano huminto ang driver at mabilis na pinatakbo ang motorsiklo, na muntik pang makabangga sa isang police personnel.
Nagkaroon ng habulan hanggang sa umano’y bumunot ng baril ang angkas at nagpaputok patungo sa mga humahabol na pulis. Gumanti naman ng putok ang mga awtoridad.
Nang maabutan sa isang makipot na kalsada sa Sitio Bako, Barangay Poblacion II, kapwa nagtamo ng tama ng bala ang dalawang suspek.
Agad silang isinugod sa Bangsamoro Regional and Medical Center para sa kaukulang gamutan at kalaunan ay isinailalim sa kustodiya ng pulisya.
Narekober sa lugar ang isang caliber .45 pistol at isang basyo ng bala na pinaniniwalaang mula sa naturang armas.
Ayon sa PNP BARMM, iniuugnay umano ang dalawang menor de edad sa BIFF at Dawlah Islamiyah–Hassan Group at sinasabing posibleng sangkot sa ilang insidente ng carnapping at robbery sa lalawigan.
Posibleng kaharapin ng mga suspek ang mga kasong may kaugnayan sa pag-atake sa mga pulis na naka-duty, illegal possession of firearms, paglabag sa COMELEC gun ban, at resistance and disobedience to a person in authority.

Share.