Inanunsyo ng National Council on Disability Affairs (NCDA) noong Huwebes, Setyembre 10 ang pagsasagawa nila ng isang sentralisadong database system para sa Unified Persons with Disabilities Identification System (UPWDIS) para mabawasan ang kaso ng panloloko at pagkopya gamit ang Person with Disability (PWD) IDs.

Binanggit din ng NCDA sa kanilang Facebook page na nakasaad sa NCDA Administrative Order No. 001, s. 2026 na magbibigay ang UPWDIS ng ligtas na access para mailunsad ang inklusyon at pagkakapantay-pantay sa mga paaralan at komunidad.

Dahil dito, ang ID ay ilalabas sa digital na format at may kasama rin itong QR code para matiyak ang mas madaling validation ng mga benepisyong kalakip ng PWD IDs alinsunod sa batas.

Saad naman sa Section 2 ng NCDA Administrative Order, ang UPWDIS ay mayroon nang lifetime validity para sa PWDs na mayroong “permanent disabilities.”

“Persons with Disabilities with permanent disabilities shall receive a Unified Persons with Disabilities ID valid for life, subject only to updates of demographic information or verification for record accuracy,” saad ng NCDA.

Habang ang PWDs namang may “non-apparent disabilities” ay nakatakdang isailalim sa revalidation kada limang taon.

“Persons with Disabilities with non-apparent disabilities shall undergo revalidation every five (5) years, or as specified in implementing guidelines for monitoring and/or thorough case management every five (5) years,” paliwanag ng NCDA.

Sa ilalim din ng probisyong ito, tiniyak ng NCDA na ang revalidation ay bukas sa lahat at walang sinumang indibidwal na may kapansanan ang mapagkakaitan ng mga benepisyo.

“Revalidation procedures shall be accessible, non-burdensome, and non-discriminatory, with reasonable accommodations provided. No Persons with Disabilities shall have benefits suspended or denied without due process,” pagtitiyak ng NCDA.

Saad ng ahensya, nakaatas na sa local government units (LGUs) ang pagsasagawa ng application, approval, at issuance ng pisikal na kopya ng Unified ID sa pamamagitan ng kanilang Persons with Disability Affairs Offices (PDAO) o Social Welfare offices.

Maaari ding i-print ng LGUs ang digital ID kung kinakailangan o hiniling ng gagamit nito.

May nakalaan namang mobile registration para naman sa mga indibidwal na nasa Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDAs).

May assisted registration services naman para sa mga indibidwal na hindi makakapunta sa registration centers.

Sa kaugnay na ulat, ang pilot program para sa Unified ID ay unang inilunsad noong Setyembre 2025.

Sa kasalukuyan, may naitala nang 959 LGUs na konektado sa UPWDIS portal kaya ang rollout ay inaasahang maganap sa ilang probinsya sa Luzon at Visayas mula ngayong Setyembre hanggang Oktubre 2026.

Share.