Patay ang 4-anyos na batang lalaki nang saksakin ng kanyang ina sa kanilang bahay sa Barangay Surgui 1st, Camiling, Tarlac noong Linggo ng umaga, Setyembre 6.
Ayon kay Lt. Col. Elogio Lamqui III, Acting Chief of Police ng Camiling Police Station, galing umano sa trabaho ang ama ng biktima at pagdating nito sa kanilang bahay 11:00 ng umaga, nagtaka siya dahil walang tao roon.
“Naglakad nang kaunti itong tatay at nakita niya nga itong kanyang anak na duguan at natakpan ng kumot sa tabi ng kanilang bahay,” ayon kay Lamqui.
Dinala ng ama ang anak sa loob ng kanilang bahay, kung saan niya naabutan ang kanyang asawa. Nang makita umano siya ng suspek, agad itong kumaripas ng takbo.
Batay naman sa salaysay ng 8-anyos na kapatid ng biktima, inutusan umano sila ng kanilang ina na bumili sa tindahan. Pagbalik nila, bigla umanong hinila ng kanilang ina ang biktima at sinaksak sa leeg.
Sa takot, tumakbo umano palayo ang 8-anyos na bata ngunit hindi na ito nagsumbong.
Kaagad na humingi ng tulong ang ama sa mga opisyal ng barangay, na siya namang tumawag sa mga pulis.
Hindi nagtagal, naaresto ang suspek matapos itong matagpuang nagtatago malapit lamang sa kanilang bahay.
Ayon sa asawa ng suspek, may problema umano sa pag-iisip ang kanyang misis ngunit hindi pa ito napapatingin sa espesyalista dahil sa kakulangan nila sa pera.
Sa ngayon, nasa kustodiya ng Camiling Police Station ang suspek at nahaharap sa kasong parricide.
Trending
- Noli Eala may ‘big reveal’ sa plano ni Alex
- Mag-utol na Serena at Venus Williams bigo sa women’s doubles ng US Open
- Lovi Poe nilinaw ang sikreto sa toned abs ilang linggo matapos manganak
- AJ Raval, touched sa effort ng mga bumati sa kanyang birthday
- Sharon Cuneta ibinunyag ang dalawang bagay na nagpapagalit sa kanya
- 37 tumanggap ng secret funds mula sa OVP, patay na – PSA
- Ex-Sen. Manny Pacquiao, itinalagang gabinete, hepe ng NAPC
- Puganteng Koreano wanted sa fraud arestado

