Hindi umano pagganti ang pagtanggap ni Mamamayang Liberal (ML) party-list Rep. Leila de Lima bilang isa sa 11 public prosecutor sa paglilitis sa anak ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na si Vice President Sara Duterte.
Ito ang nilinaw ni De Lima na ipinakulong ng dating pangulo noong 2017 matapos akusahan na sangkot ito sa illegal drug trade sa National Bilibid Prison na kalaunan ay inabsuwelto ng korte dahil walang basehan ang mga isinampang kaso laban sa kanya.
“Ang pagtanggap natin sa hamon bilang House prosecutor ay hindi para sa paghihiganti o vendetta,” ani De Lima na isa sa apat na bagong miyembro ng public prosecutors na uusig sa pangalawang pangulo.
Kasama sa mga bagong miyembro ng prosecution panel sina Akbayan party-list Rep. Chel Diokno, Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon at Dinagat Island Rep. Arlene “Kaka”Bag-ao habang ang natitirang 8 sa pangunguna ni lead prosecutor na si Batangas Rep. Gerville Luistro ay naitala sa kanilang tungkulin sa una impeachment case ng VP Sara.
Sa nabanggit na apat na baguhan, si De Lima ang sinasabing biktima umano ng gawa-gawang kaso noong panahon ni Duterte kaya marami ang nagsasabi na pagkakataon na niya ito para resbakan ang pamilya ng dating Pangulo.
“I have been doing my job in this House fairly without any ill will against anyone. Hindi ko po style iyan. Hindi ko ako yung nag-exhibit ng vendetta. Para sa akin lang po nakatingin lang ako sa prinsipyo ng katotohanan at pananagutan,” pahayag ni De Lima.
“Tulad ng lagi nating paninindigan at ipinaglalaban, para ito sa pananagutan at katotohanan; para sa hustisya sa mga pamilya at biktima ng extrajudicial killings sa ilalim ng pekeng War on Drugs ng nakaraang administrasyon,” dagdag pa ng dating Senadora na unang nag-imbestiga sa Davao Death Squad noong siya ang chairperson ng Commission on Human Rights.
Trending
- Knicks tinalo ang Cavaliers, pasok sa NBA Finals
- North Korea nagkampeon sa Asian Women’s Champions League
- Pokwang, bet statement shirt ni DJ Chacha: ‘Nasaan na si Zaldy n’yo?
- SexBomb Girls pasok sa Hollywood Walk of Fame?
- Bela Padilla, tinawag na retarded si Baron Geisler?
- ‘National Autism Program Act’ inihain ni Rep. Benitez
- Higit 50K lumang bigas, ipasusubasta ng NFA sa Hunyo
- Recto itinangging may pananagutang kriminal sa PhilHealth funds transfer

