Higit 4,600 bagong kaso ng HIV, naitala

Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 4,633 bagong kaso ng HIV mula Enero hanggang Marso 2026, ayon sa ulat ng DOH-Epidemiology Bureau.
Sa kabuuang kaso, 95 porsyento o 4,381 ay lalaki habang 252 naman ay babae.
Pinakamaraming kaso ang naitala sa edad 25 hanggang 34 na bumubuo sa 46 porsyento ng mga bagong impeksyon. Sumunod ang edad 15 hanggang 24 na may 31 porsyento.
Ayon sa DOH, umaabot sa average na 51 bagong HIV cases kada araw ang naitala ngayong unang quarter ng taon.
May 1,104 o 24 porsyento rin ng mga bagong kaso na mayroon nang advanced HIV disease nang sila ay ma-diagnose.
Pinakamataas ang kaso sa National Capital Region na may 989 kaso, kasunod ang CALABARZON na may 808, at Central Luzon na may 551 kaso.
Mula noong 1984, umabot na sa 168,079 ang kabuuang kumpirmadong HIV cases sa bansa.
Napansin din ng DOH na mas dumarami ang mga kabataang naaapektuhan ng HIV.
“Diagnosed cases are getting younger as predominant age group shifted to 25-34 years old starting 2006, and the proportion of cases among 15-24 age group has reached 30% as of 2025,” ayon sa ulat.
Sa kasalukuyan, may 108,367 people living with HIV na naka-enroll sa libreng antiretroviral therapy program ng gobyerno.

Share.