Sinabi ng Malakanyang na si Senate sergeant-at-arms at retired Police Major General Mao Aplasca ang unang nagbigay ng “warning shot” sa insidente ng putukan sa Senado, araw ng Miyerkules.
Binigyang diin ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang, na hindi nagsagawa ng anumang pag-atake ang mga National Bureau of Investigation (NBI) agents sa nasabing insidente.
“Nagpakilala na NBI agents at nung nagsabi sila ng kanilang pagkakakilanlan, agad nagpaputok ng warning shot si Sergeant-at-Arms Mao Aplasca. At dahil do’n, napilitan ding magpaputok ng warning shot ang NBI agent,” ayon kay Castro.
Sa kabilang dako, kinatigan naman ni NBI Director Melvin Matibag ang sinabi ni Castro na nagwarning shot din ang NBI agent na nasa Senado subalit ginawa lamang ito ng NBI agent matapos na mag-warning shot ang OSAA at magpakawala ng sunod-sunod na putok na tila tugon sa ginawang warning shot ng NBI agent.
Pagkatapos aniya ng insidente ay umalis na aniya ang NBI agent sa Senado. May kasama aniyang blue guard ang nasabing NBI agent. Parehas na aniyang umalis ang mga ito sa Senado.
Sa pagkaka-alala aniya pa rin ng NBI agent ay mayroong 6 na warning shot siyang ibinigay.
Iyon ayon kay Matibag ay iniimbestigahan na.
Samantala, sinabi naman ni Philippine National Police (PNP) Chief Jose Melencio Nartatez Jr., matapos ang 6 na warning shots mula sa NBI agent ay “not less than 30” na putok naman ang isinagot ng OSAA.
Iyon aniya ay ika-quantify o bibilangin base sa cctv, empty shells na na-recover sa nasabing operasyon, at iyong mga naalis pa.
Makikita aniya sa CCTV kung may nagpulot ng basyo.
Kaugnay nito, ang direksyon ng putok ani Nartatez ay nanggaling mismo sa loob ng Senado.

Share.