Puno ng pasa, gasgas, at pamamaga sa iba’t-ibang bahagi ng katawan, durog ang mga kuko, nangangayayat, at kalbo nang ma-rescue ng mga barangay social worker ang isang 8 taong gulang na batang babae sa Quezon City.
Ayon kay Ailyn Martinez, focal person ng Barangay Council for the Protection of Children, isang concerned citizen ang nakakitang pagala-gala ang bata matapos umanong makatakas sa pagmamalupit ng kanyang ama at madrasta noong Marso 22.
“This is the first time na ang isang batang biktima ay nagtamo ng 37 injuries,” ani Martinez.
“Ang pinaka-(malala)… yung ilong niya tabingi,” dagdag niya. “Inihagis ‘yong bata tapos tumama ‘yong ilong niya.”
Sa salaysay ng bata, limang taong gulang siya nang magsimulang pagmalupitan matapos mapunta sa poder ng kanyang ama.
“Kinakadena po at minamartilyo. Ang usually pinapampalo, sanga ng bayabas,” ani Martinez sa pinagdaanan ng bata.
“Parang gusto kong umiyak. Para siyang baboy o aso na binugbog. Hindi makatao. May tao pa bang gagawa niyan?”
Agad inaresto ng pulisya ang ama at madrasta ng bata matapos madiskubre ang umano’y pisikal na pang-aabuso.
“Lahat naman po ng kasong katulad nito ay kailangang bigyang halaga at aksyonan natin, lalong lalo na ang kabataan na sila ang vulnerable sector sa ating lipunan,” ani Police Lt. Col. Rowena Amata, Station Commander ng Payatas Bagong Silangan Police Station.
“Accordingly siya’y nakakaranas po ng pagkahilo. Pinalabas na po siya ng hospital, normal naman daw po ang kanyang vital signs at blood pressure,” saad ni Amata.
Tumanggi nang humarap sa camera ang dalawang suspek, ngunit sinabi nilang dinidisiplina lamang nila ang bata gamit ang pamalo.
Kinalbo umano siya dahil sa kuto.
Hindi rin umano siya minartilyo at hindi na nila alam kung saan nanggaling ang iba pang mga sugat at pasa.
Nasa pangangalaga na ng mga social worker ang bata at patuloy na ginagamot ang kanyang mga sugat.
Isinasailalim din siya sa serye ng counseling.
Hindi naman pinayagang makapagpiyansa ang dalawang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 7610, o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
Trending
- Rematch kay Mayweather ni Pacman, huli na?
- Pag-expand sa Seattle at Las Vegas, aprub
- Yeng Guiao pinuri ang Elasto Painters
- Jia de Guzman, naghain ng papuri para sa pagpapabuti ng kapakanan ng atleta
- Echo, magiging lolo na?
- Kris at Dong, may nilulutong raket
- Kim, kinabog sina Juday at Kathryn sa Primetime Queen title
- 2 Indian medical students huli sa ‘pautang’ scheme
