Muling pinagtitibay ng Government Service Insurance System (GSIS) ang pangako nito sa mga pensioner at retirado sa pamamagitan ng mga hakbang na nagpapalakas sa kanilang pinansyal na proteksyon at nagpapalawak ng access sa mga serbisyo, kasabay ng paggunita ng Elderly Filipino Week (Oktubre 1 hanggang 7). Ang pagdiriwang ay taunang isinasagawa alinsunod sa Presidential Proclamation No. 470 (s. 1994).

Kabilang sa mga hakbang na ito, na kasalukuyan nang ipinatutupad, ang mga reporma sa survivorship pension, mas maluwag na patakaran para sa Christmas cash gift, pagtaas ng funeral benefit, ganap na digital na proseso ng paga-apply para sa pensyon, at mga bagong paraan upang makapag-update ng contact information nang hindi kinakailangang bumisita sa tanggapan ng GSIS.

Ayon kay GSIS President and General Manager Wick Veloso, ipinakikita ng mga programang ito ang patuloy na pagsisikap ng GSIS na gawing mas angkop at mas tumutugon sa pangangailangan ng mga pensioner at kanilang mga pamilya ang mga benepisyo sa pagreretiro.

“Hindi nagtatapos ang aming responsibilidad sa aming mga pensioner sa oras na sila ay magretiro. Tungkulin naming patuloy na pangalagaan ang kanilang mga benepisyo at gawing mas madali at mas maginhawa ang pag-avail ng aming mga serbisyo,” ani Veloso.

Inalis na ng GSIS ang itinakdang limitasyon sa survivorship pension. Sa ilalim ng bagong patakaran, maaaring matanggap ng kwalipikadong nabubuhay na asawa ang buong 50 porsiyento ng pensyon ng kaniyang asawa, anuman ang halaga nito. Bukod dito, inalis na rin ng GSIS ang cohabitation rule para sa survivorship pension. Hindi na masususpinde ang benepisyo dahil lamang sa pakikipamuhay ng benepisyaryo sa ibang kinakasama. Tanging pag-aasawang muli na lamang ang magiging dahilan ng pagwawakas ng naturang benepisyo.

Pinagaan din ng GSIS ang mga patakaran para sa Christmas cash gift. Ang mga pensioner na hindi nakatapos ng kanilang Annual Pensioners Information Revalidation (APIR) bago ang Abril ay hindi na awtomatikong mawawalan ng Christmas cash gift. Hangga’t nakukumpleto ang APIR sa kalaunan, mananatili ang kanilang karapatan sa nasabing benepisyo.

Mula Hulyo 13, itinaas ng GSIS ang funeral benefit mula ₱30,000 tungo sa ₱50,000. Layunin nitong makatulong sa pagbayad ng mga gastusin kaugnay ng burol at pagpapalibing ng isang yumaong miyembro o pensioner. Maaaring maghain ng claim sa loob ng apat na taon mula sa petsa ng pagkamatay. Para naman sa mga kwalipikadong uniformed personnel ng Philippine National Police, Bureau of Jail Management and Penology, at Bureau of Fire Protection, nakalaan ang funeral benefit na ₱10,000. Maaari na ring mag-aplay ng pensyon ang mga retirado sa pamamagitan ng GSIS Touch mobile app nang hindi na kinakailangang pumunta sa opisina. Sa parehong app, maaari ring kumpletuhin ang APIR, mag-apply para sa mga loan, at mag-avail ng iba pang programa ng GSIS saanman sila naroroon.

“Dapat gawing mas simple ng teknolohiya ang transaksiyon sa pamahalaan, hindi mas kumplikado,” ani Veloso. “Para sa aming mga pensioner, nangangahulugan ito ng kakayahang makumpleto ang mas maraming requirements saanman sila naroroon, habang nananatiling may access sa tulong na kanilang kailangan.”

Hinihikayat din ng GSIS ang mga pensioner na panatilihing updated ang kanilang contact information upang patuloy silang makatanggap ng mahahalagang abiso at impormasyon. Maaaring i-update ang mga rekord sa pamamagitan ng over-the-counter transaction, GSIS Touch app, Agency Authorized Officers, o sa pagsusumite ng Member Request Form sa pamamagitan ng koreo, courier, o email.

Para naman sa mga kinakailangang bumisita sa tanggapan ng GSIS, maaaring gamitin ang GSIS Appointment Buddy. Sa pamamagitan ng QR code, maaaring kumuha ng queue number at makatanggap ng text notification kapag sila na ang susunod na seserbisyuhan, kaya hindi na kailangang pumila nang matagal.

“Para sa aming mga pensioner, ang ginhawa ay hindi lamang tungkol sa pagtanggap ng pensyon. Dapat din itong mangahulugan ng mas malinaw na mga patakaran at mga serbisyong may malasakit sa kanilang oras at kalagayan,” dagdag ni Veloso.

Kasabay ng paggunita sa Elderly Filipino Week sa buong bansa, sinabi ng GSIS na patuloy nitong palalakasin ang mga programa at serbisyo na nagtataguyod ng seguridad sa pananalapi at mas maayos na kapakanan ng mga pensioner at retirado.

Share.
Exit mobile version