Arestado ang limang armadong indibiduwal nang mambasag ng salamin at mangulimbat ng gamit sa nakaparadang sasakyan sa bayan ng Bustos noong Marso 29.
Kinilala ang mga suspek na sina alyas “Ron”, 23; alyas “Ard”, 33; alyas “Ver”, 38; alyas “Mark”, 33; at alyas “RM”, 40, kapwa residente ng Brgy. Cacarong Bata, Pandi habang ang mga biktima ay sina alyas “Rom” at alyas “Ica” ng Brgy. San Pedro, Bustos.
Sa ulat ni PCPT Heherson Zambale, hepe ng Bustos police station, nadiskubre ang insidente 10:20 ng gabi sa Purok 4, Brgy. San Pedro.
Batay sa salaysay ng saksing papauwi sa bahay ay may napansing may apat na hindi nakilalang lalaki ang nagmamadaling tumakas lulan ng dalawang itim na motorsiklo.
Nakita ng saksi na may bitbit na backpack ang isa rito na pinaniniwalaang mula sa nakaparadang sasakyan na umano’y basag ang salamin.
Ipinaalam niya sa may-ari ang nakita hanggang sa tuluyan nilang nalaman na nawawala ang kanilang mga personal na gamit sa loob ng sasakyan.
Agad nilang inulat sa Bustos police station ang nangyari hanggang sa isa pang saksi ang lumutang 12:00 ng madaling araw na nagsabing nasundan niya ang mga suspek na naninirahan sa Brgy. Cacarong Bata, Pandi.
Dahil dito, nagsagawa ng koordinasyon ang Bustos police station sa Pandi police station na nagsagawa ng operasyon kaya tuluyang natunton ang lugar bandang 1:30 ng madaling araw at ang mga motorsiklo at helmet na ginamit sa krimen.
Nang mamataan ang isa sa suspek ay tinangka nitong tumakas papasok sa isang bahay na naging dahilan para mahuli rin ang iba pang suspek na nagtatago rito.
Sa isinagawang body search sa mga suspek matapos ipabatid ang kanilang mga karapatang konstitusyonal ay nasamsam kay alyas “Ron” ang M84 hand grenade na nasa kanyang sling bag habang nakuha kay alyas “Ard” ang Smith and Wesson caliber .38 revolver na may dalawang bala.
Narekober din mula sa mga suspek ang mga ninakaw na gamit kabilang ang black backpack, dalawang gintong singsing, gintong relo at P320,000.00 cash.
Nahaharap ang mga suspek sa kaukulang kaso habang nasa kustodiya ng Bustos police station.

Share.
Exit mobile version