Mabilis ang naging aksiyon ng mga awtoridad sa pag-aresto sa walong indibidwal na sangkot sa pamamaril na ikinamatay ng isang lalaki sa Brgy. Tigbe, Norzagaray, Bulacan.
Batay sa ulat na ipinadala kay PColonel Jay B. Baybayan, acting provincial director ng Bulacan PPO, dakong alas-4:15 ng madaling-araw nitong Setyembre 10, 2026, isang insidente ng pamamaril ang naganap sa Jose Pantaleon St., Sitio Gulod, Brgy. Tigbe, Norzagaray, kung saan natagpuang sugatan ang 47 taong gulang na biktima na kalaunan ay idineklarang dead on arrival sa Ospital ng Lungsod ng San Jose del Monte.
Agad na nagsagawa ng beripikasyon at crime scene processing ang mga tauhan ng Norzagaray MPS, katuwang ang Bulacan Forensic Unit, habang isinagawa ang follow-up operation upang matukoy at maaresto ang mga responsable.
Sa pangunguna ni PMajor Demosthenes G. Desidirio Jr, OIC ng Norzagaray MPS, nagsagawa ang mga operatiba ng naturang istasyon, katuwang ang Sta. Maria MPS, Bulacan Provincial Intelligence Unit, Angat MPS, San Jose del Monte CPS, Meycauayan MPS at Bulacan 2nd PMFC, ng joint hot pursuit operation dakong alas-11:50 ng gabi sa Sitio Tibagan, Brgy. Caypombo, Sta. Maria, na nagresulta sa pagkakaaresto kina alyas Aldrin, alyas Efren, at alyas Jaymark.
Nakumpiska sa operasyon ang isang caliber .45 pistol, isang magazine at apat na bala, isang sachet na naglalaman ng humigit-kumulang 17.2 gramo ng hinihinalang shabu, at isang motorsiklo, bukod sa iba pang ebidensya.
Bukod dito, inaresto rin sina alyas Lord, alyas Rene, at alyas Crisel dahil sa pagtatangkang itago ang mga suspek at iligaw ang mga operatiba, na itinuturing na obstruction of justice.
Samantala, nagpatuloy ang hot pursuit operation matapos makuha ang impormasyon hinggil sa kinaroroonan ng dalawa pang suspek, na nagresulta naman sa pagkaaresto kina alyas Jeron at alyas Alvin dakong alas-2:05 ng madaling-araw nitong Setyembre 11, 2026 sa Sitio Gitna, Brgy. Balasing, Sta. Maria, Bulacan.
Nakumpiska sa kanila ang isang caliber .38 revolver, mga bala, at ilang sachet ng hinihinalang shabu.
Inihahanda na ang mga kaukulang kaso para sa kasong Murder at paglabag sa RA 9165 laban kina alyas Aldrin, alyas Efren, alyas Alvin, at alyas Jeron.
Bukod dito ay inihahanda rin ang kasong paglabag sa RA 10591 laban kina alyas Aldrin at alyas Jeron, paglabag sa RA 9165 laban kay alyas Jaymark, at paglabag sa PD 1829 o Obstruction of Justice laban kina alyas Lord, alyas Reneboy, at alyas Crisel.
Ayon kay PColonel Baybayan, patuloy na paiigtingin ng kapulisan ang mga follow-up at hot pursuit operations upang matiyak na mananagot sa batas ang mga responsable sa krimen.
Aniya, ang mabilis na pagkilos, koordinasyon, at pakikipagtulungan ng iba’t ibang police units ay mahalaga upang mapanatili ang seguridad at katahimikan sa mga pamayanan ng Bulacan.(Danilo Gravador)

