Inaresto ang apat na Chinese nationals, kabilang ang isang tinutukoy na fugitive sa Makati City ng Bureau of Immigration (BI) dahil sa paglabag sa immigration laws.
Kinilala ng BI ang mga nadakip na sina Zhang Jinglong, Zhang Pengguang, Feng Mincong, at Zhang Yunpeng, na nabigong magpakita ng valid passport o immigration documents.
Ayon sa BI, si Zhang Jinglong ang pangunahing target ng operasyon dahil siya ay wanted sa Guangdong, China kaugnay ng telecom fraud.
“Zhang Jinglong attempted to mislead authorities by claiming he was a national of Vanuatu, contrary to official records confirming his Chinese citizenship,” ayon sa BI.
Sinabi rin ng ahensya na si Zhang ay umano’y pinoprotektahan ng mga armadong indibidwal, kabilang ang isang aktibong pulis at isang reservist, at ini-refer na ang impormasyon sa mga kinauukulang ahensya para sa imbestigasyon.
Batay sa rekord, pumasok si Zhang sa Pilipinas noong Nobyembre 2019 bilang temporary visitor ngunit hindi na nagpa-extend o nagpa-convert ng visa, kaya’t isinama siya sa blacklist dahil sa mga naunang paglabag.
Ang apat ay inaresto noong Marso 25 at kasalukuyang nakakulong sa BI warden facility habang hinihintay ang kanilang deportation.

Share.
Exit mobile version