Arestado ang tatlong indibidwal matapos ang isinagawang police response ng mga awtoridad hinggil sa iniulat na pot session sa Bagbaguin Road, Brgy. Bagbaguin, Meycauayan City, Bulacan kahapon ng madaling araw.
Ayon sa ulat ni PLt.Colonel Melvin M. Florida Jr, hepe ng Meycauayan CPS, nagsagawa ng discreet operation ang City Drug Enforcement Unit (CDEU) matapos makatanggap ng impormasyon mula sa isang concerned citizen hinggil sa nagaganap na pot session sa nasabing lugar.

Sa isinagawang police response, naaresto ang tatlong suspek na sina alyas “Didoy,” 35; alyas “Vane,” 27; at alyas “Comang,” 26, matapos silang mahuli sa aktong gumagamit ng hinihinalang shabu.
Nakumpiska sa mga suspek ang dalawang transparent plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu, isang cut-opened plastic sachet na may hinihinalang shabu residue, isang folded aluminum foil strip at dalawang rolled aluminum foil strips na may hinihinalang shabu residue, at dalawang disposable lighters.

Ang nakumpiskang hinihinalang ilegal na droga ay may kabuuang tinatayang timbang na 3.76 gramo at may tinatayang Standard Drug Price na Php 24,956.00.
Bukod dito, nakumpiska rin mula sa pag-iingat ni alyas “Didoy” ang isang improvised handgun o “pen gun” na walang trademark at serial number, isang live ammunition na caliber 9mm, at isang black sling bag.

Ang mga naarestong suspek at nakumpiskang ebidensya ay dinala sa Bulacan Provincial Forensic Unit (BPFU), Malolos City, Bulacan, para sa drug testing at laboratory examination.
Inihahanda ang kaukulang criminal complaint laban sa mga suspek para sa paglabag sa Sections 14 in relation to Section 12, Section 13 in relation to Section 11, at Section 15, Article II ng Republic Act No. 9165, as amended by RA 10640, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, gayundin sa Republic Act No. 10591, o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.(Danilo Gravador)

Share.
Exit mobile version