Nasawi ang tatlong miyembro ng isang pamilya at lima ang nakaligtas nang kumain ng puffer fish sa Barangay Maihao, Cawayan, Masbate, sa insidenteng iniuugnay sa maling paghahanda ng isda.
Kinilala ni Barangay Chairman Keen Stanley Ynot ang mga nasawi bilang isang 53-anyos na lalaki, kanyang 50-anyos na asawa, at kanilang 33-anyos na pamangkin na isang single mother ng apat na anak.
Ayon sa imbestigasyon, binili ng lalaki ang isda na kilala bilang butete o tikong mula sa isang mangingisda malapit sa pantalan. Nauna na umanong nakakain ang pamilya ng naturang isda kapag ang lalaki ang naghahanda, ngunit sa pagkakataong ito ay ang asawa ang nagluto.
Lumabas sa imbestigasyon na hindi nalinis nang maayos ang isda kaya nanatili ang nakamamatay na lason. Kinain ito ng pamilya bandang alas-8 ng gabi noong Marso 21.
“Nakita ni husband, binili niya, tapos andun naman yung kapitbahay nila, pinadala doon sa bahay dahil ito si husband is nagtatrabaho pa. Medyo ginabi pauwi yung husband kaya niluto na ng misis niya,” ani Ynot.
“Si husband sana marunong mag-prepare. Sabi ng mga anak, nakakain na raw sila dati pa. Pero yung father nila yung nagpe-prepare,” dagdag niya.
Limang iba pa, kabilang ang dalawang adulto at tatlong bata, ang kumain ng kaunting bahagi at agad na isinugod sa ospital matapos makaranas ng sintomas ng pagkalason. Ayon sa awtoridad, nagpapagaling na ang mga ito.
“Okay na po sila. Nung nakakain sila, nagsusuka sila, tapos na-treat naman, medyo naagapan nang medyo maaga sila… Hindi katulad nitong tatlong ‘to, ginawa talaga nilang dinner. Ulam talaga,” ani Ynot.
Anim na bata ang naulila sa insidente.
Muling nagbabala ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Bicol na ang butete ay may tetrodotoxin na umaatake sa nervous system at maaaring ikamatay.
“Walang antidote o lunas sa lason ng butete. Hindi natatanggal ang lason nito sa pamamagitan ng paglilinis o pagluluto,” ayon sa ahensya.
Idinagdag nito na sa ilalim ng Fisheries Administrative Order No. 249, mahigpit na ipinagbabawal ang paghuli, pagbebenta, at pagkain ng butete dahil sa mataas nitong toxicity.
Nagbigay na ng tulong ang lokal na pamahalaan sa pamilya at naghahanda ng ordinansa upang ipagbawal ang paghuli at pagbebenta ng pufferfish upang maiwasan ang kahalintulad na insidente.

Share.
Exit mobile version