Naghain si dating Senador Antonio Trillanes IV ng cyber libel complaint sa Department of Justice (DOJ) laban sa 18 dating Marines na nag-akusa sa kanya ng pagtanggap ng $2 milyon mula kay dating Congressman Zaldy Co nitong Lunes.
Kabilang din umano sa mga respondent sa reklamo ang apat na host ng SMNI na sina Byron “Banat By” Cristobal, Oliver “Coach Oli” M. Cristobal, “Master Judea,” at Arjay “Pareng Arjay” Piodina.
“Bunga ito nung kanilang mga interviews after nung kanilang press con a few weeks ago. So bawat interview na lalabas sila, maka-expect sila ng kaso laban sa kanila,” ani Trillanes.
Kabilang sa mga alegasyon laban sa kanya ang umano’y pagbibigay ng pera sa mga imbestigador ng International Criminal Court (ICC) at pagtanggap ng maleta-maletang pera, na mariin niyang itinanggi.
“Lahat ng minention nila about me do’n sa kanilang affidavit, press con, subsequent interviews, bawat isang occasion na lumabas sila at nagsalita at nagbigay ng kasinungalingan, lahat ito ay kakasuhan ko,” dagdag niya.
Matatandaang noong Marso 6, nauna nang naghain si Trillanes ng criminal complaints laban sa 18 umano’y dating Marines, kasama ang kanilang abogado na si Levito Baligod, dating Congressman Mike Defensor, at iba pang personalidad.

Share.
Exit mobile version